Pangalawang Anino (492)
SUMUGOD na si Ariel kina Angela at prinsepe ng dilim.
Mabilis, malakas ... dahil sa galit at selos.
Parang nagulat ang masamang prinsepe.
Kaya naunahan. Nasuntok sa panga.
Napatagilid ang ulo nito. Sa sobrang galit, lumabas ang totoong anyo. Ang totoong anyo, guwapo na may mga sungay.
Nabitiwan nito si Angela.
Nakita naman ni Nanette ang pagbabagong-anyo ng prinsepe ng dilim at namukhaan niya kahit may mga sungay.
Nakita na niya ito, nakausap, naging kaibigan. Na-attract pa nga siya. At inaming nagkasala sa pagiging banal dahil na-distract siya sa kanyang misyon ng kabutihan.
At kaligtasan ng mga tao.
Napakurap-kurap pa si Nanette. Gustong tiyakin na tama ang kanyang nakikita.
“Kilala ko siya! Kaibigan ko siya! Isa pala siyang demonyo?!”
“Ano’ng sinasabi mo, Nanette?”
“Arturo, kailan lang, naging kaibigan ko siya. Noong nanggaling ako sa bahay sa tabing-dagat na pinatirhan ko kay Yawan. Nagkalapit kami ng loob!”
Nakaramdam kaagad ng selos si Arturo. “Napaibig ka sa kanya?”
“Hindi naman. It was just an attraction, Arturo. Pero napaglabanan ko.”
Masakit pa rin iyon kay Arturo. “Akala ko pa naman ako lang. Alam mo namang kung hindi lang ang Diyos ang karibal ko sa iyo, hindi ako tumigil hanggang hindi tayo nagpakasal. Iyon pala, naakit ka rin sa iba, sa isang demonyo pa!”
Nang nagalit ang prinsepe ng mga demonyo ay pumula ang kanyang mga mata, parang nag-aapoy. Hindi ito makakapayag na isang ordinaryong tao lang ang sumapak sa kanya.
Sino ba ang hamak na Ariel na ito?
Gaano ba ito kadakila at ganito makaasta?
“Kailangang mabigyan ka ng leksiyon!” Dumagundong ang mga salita ng prinsepe.
At itinapat niya ang palad sa mukha ni Ariel.
Shocked sina Nanette at Arturo.
Nang ang mukha ni Ariel ay naging aso.
Itutuloy
- Latest