Pangalawang Anino (433)
WALANG kaalam-alam sina Arturo at Nanette na ini-stalk sila ng prinsepe ng kadiliman.
Sinadya pa ni Lucifereo na dumaan sa harapan nina Nanette at Arturo.
Mabilis lang. Para lang kisapmata.
At hindi iyon nakalampas sa paningin ng dalagang banal.
“Si ... si ...”
“Bakit? May nakita ka? Sino?”
Nakapag-isip kaagad si Nanette. Hindi dapat malaman ni Arturo na may kaibigan siyang lalaki.
Na nagpagulo sa kanyang isipan.
“Ah, wala. Pabayaan mo na lang.”
“Na-bother ka, e. Parang may nakita ka. Bakit naman di mo sabihin, Nanette?”
“Hindi naman siya dapat isali sa ating usapan, e.”
“O sige na nga. Hindi na ako mangungulit. Hayan, malapit na tayo sa simbahan.”
SI YAWAN ay gusto ring magsimba.
“Malaki ang dapat kong ipagpasalamat sa Diyos. Naawa siya sa akin at binigyan niya ako ng totoong pag-ibig. Pinabalik niya sa akin si Arturo. At kahit ang pangit-pangit ko, mahal ako ni Arturo. Ang kagandahan ng puso ko ang nakikita niya. Kaya kailangang magsimba ako. Palagay ko naman, hindi na ako mapapaso sa loob ng simbahan. Tatanggapin ako sa tahanan ng Diyos.”
Iisang simbahan ang pupuntahan nina Nanette at totoong Arturo. At Yawan.
SI ANGELA ay nananaginip na naman.
Napasigaw siya sa takot.
Ginising na naman siya nina Ariel at Father.
“Angela! Ano na naman ba ang nangyayari sa ‘yo?”
“Ariel, nagpakita sa akin ang hari ng mga demonyo! Nakakatakot ang tawa niya sa akin!”
“Panaginip lang ‘yon.”
“Pangitain din ‘yon, Ariel. Isang babala. Paano tayo magpapakasal kung naliligalig ako nang ganito, Ariel? Ano ba ang binabalak sa akin ng hari ng mga demonyo. Hindi naman ako si Yawan. Hindi rin si Yawanaya. Pero bakit dinadalaw ako ng mga taga-impiyerno?”
Itutuloy
- Latest