Pangalawang Anino (434)
HABANG kausap si Yawan ramdam ni Lucifereo na may paparating. Binulungan siya ng amang hari ng mga demonyo.
“Lucifereo! Ang tunay na Arturo paparating! Patayin mo na!”
“Sandali lang, ha ...” Nagpaalam si Lucifereo kay Yawan.
Lumabas siya ng bahay at kaagad naging demonyo.
Nakita niya ang tunay na Arturo.
Hindi pa siya nito nakikita dahil nagtago siya sa makapal na tanim.
“Ito ang tunay, ang mahal din ni Nanette! Teka lang, ayoko siyang patayin. Kapag galit ako sa isang tao, gusto kong pinahihirapan muna bago tapusin ang buhay nila!
“Saka kapag pinatay ko siya, wala na akong kapangyarihan na kopyahin ang itsura niya. Hindi ko na mapapakinabangan ang mukha niya. Mali ka, ama. Kailangan pa ang taong ito kaya hindi dapat patayin.”
Sumagot naman sa isip ang hari ng mga demonyo“Mapapakinabangan mo nga ang mukha pero baka magiging sagabal pa iyan sa misyon mo.”
“Madali lang tapusin ang kanyang buhay. Kung talagang kinakailangan na.”
“Paano ngayon ‘yan? Eh, nandidiyan na nga.”
“Ako na ang bahalang gagawa ng paraan.”
Nag-anyong teenager na babae si Lucifereo.
At saka nagpakita sa tunay na Arturo.
“Gandang hapon po.” Maamo pa ang boses na bumati kay Arturo.
“Gandang hapon naman, Ineng. Dito ba nakatira si Yawan?”
“Opo. Pero umalis pa siya, e.”
“Umalis? Akala ko pa naman inaasahan niya ako dahil ngayon ang usapan namin na pupunta ako.”
“Emergency po yata ang pinuntahan. Nagmamadali, e.”
“May sinabi ba? May binilin?”
“Wala naman po. Baka po nakakalimutan kasi nga po nagmamadali.” Hindi malaman ng tunay na Arturo kung mabibigo o makakahinga ng maluwag.
May misteryo sa loob ng sobrang balot na itsura ni Yawan. Ayaw na sana niyang malaman o makita.
Ito na ang pagkakataon para hindi na matutuloy kailanman ang paghaharap nila. Mabilis nang umalis doon ang tunay na Arturo, walang ideya na ang nakausap niya ay prinsepe ng mga demonyo. Itutuloy
- Latest