Pangalawang Anino (51)
NAPABUNTONG-HININGA si Nanay Maria. “Kayo ang masyadong nadedehado dito. Buhay ninyo ang nakataya. Hindi ko kayo maaring talikuran.”
Napaiyak ang mag-ina.
“Marami pong salamat, Nanay Maria. Napakabait po ninyo. Ang gusto ko lang naman po ay maging maayos uli ang buhay ng anak ko. Wala na po akong balak na bawiin pa ang asawa ko kay Alona. Ano mang uri ang kanilang anak, gusto ko lang na tantanan nito ang anak ko.”
“Nanay Maria, paano po ba na hindi na ako malalapitan ng anino?”
“Sandali lang, may kukunin ako.” At umalis muna ang banal na matanda, pumasok sa maliit na silid.
Nang lumabas may dala na itong mahabang bote na may laman.
“Sa iyo na ito, Nanette.”
“Ano po ito?”
“Isa sa mga bote ng tubig na dinasalan ko gabi-gabi sa loob ng sampung taon. Kaya may kakaiba na rin itong kabanalan. Tuwing alas-tres ng hapon, na siyang oras ng pagkamatay ni Hesus para sa sanlibutang kaligtasan, pahiran mo ng tubig na ito ang iyong noo, dalawang palad at sa ilalim ng iyong mga talampakan.”
“At ano na po ang mangyayari kapag napahiran ang mga sinabi ninyo?” tanong ni Sheila.
“Hindi na makakalapit ang anino kay Nanette. Dahil takot siya sa kabanalan ng tubig.”
Nagyakap ang mag-ina sa sobrang tuwa.
“Inay, magiging normal na ho ako. Baka makakabalik pa rin ho ako sa pagtuturo. Miss na miss ko na ang mga istudyante ko, Inay.”
“Alam ko, Nanette. At kapag naaawa ang Diyos sa atin, maaayos na nga ang lahat.”
Inuwi na ng mag-ina ang tubig ng kabanalan.
Hihintayin nila ang ikatlo ng hapon saka magpapahid ng tubig si Nanette.
INUTUSAN na naman ni Yawana ang ikalawa niyang anino. “Puntahan mo na si Nanette, baliwin mo uli. Kailangan, walang makakakita sa iyo kundi siya lang, ha?”
“Masusunod aking Yawana. Maaliw na naman ako! Hihihihi!”
At sa isang iglap nakarating na ang pangalawang anino sa bahay nina Nanette. Pero may nalanghap siyang kakaiba. Sumasakal sa kanya. Takot na takot ang pangalawang anino dahil ngayon lang ito nangyayari.
Hindi na siya makalapit kay Nanette.
- ITUTULOY
- Latest