^

Pang Movies

Fernando Poe Sr. at Leroy Salvador mga bayaning artista noong unang panahon

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Fernando Poe Sr. at Leroy Salvador mga bayaning artista noong unang panahon

Ang Pilipinas ay isa sa mga kauna-unahang bansa sa buong Asya na nagpalabas ng sine. May mga naipalabas na mga short film tungkol sa buhay-buhay simula noong 1897. Pero ang unang pelikula na ginawa sa Pilipinas ay noong 1912, nang gawin at ipalabas ang pelikulang La Vida de Dr. Jose Rizal, ibig sabihin ang industriya sa ngayon ay 107 taon na.

Natigil iyan dahil sa hirap ng paghahanap ng negatibong ginagamit sa pelikula, na noon ay kailangang bilhin pa sa Amerika. Muling binuhay ang industriya noong 1919, nang gawin ni Jose Nepomuceno ang pelikulang Dalagang Bukid, na ang bida ay sina Atang dela Rama at Marcellano Ilagan. Walang sound ang Dalagang Bukid, kaya sa tuwing ipapalabas iyan sa Empire Theater noon, kailangang kantahin ni Atang na nakatayo sa tabi ng screen ang awiting Nabasag ang Banga, at ang ibang eksena ay sinasabayan ng tugtog ng isang cumparsa.

Sumikat ang mga pelikulang Pilipino dahil mas naiintindihan iyon ng mga tao kesa sa mga pelikulang ingles na dumarating dito sa bansa noon. Kaya nagtuluy-tuloy na ang pelikula.

Ang industriya ng pelikula sa Pilipinas ay kinikilala noon bilang isa sa nangunguna sa buong Asya. Maraming Asyano ang nagulat nang hakutin ng pelikula ni Bert Avellana ang lahat halos ng awards noong 1956, iyong Anak Dalita. Pero bago yun ay napasok na rin ni Avellana ang Cannes Film Festival, katunayan ang kanyang pelikulang Kandelerong Pilak ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na ipinalabas sa Cannes noong 1954.

Isa rin si Bert Avellana sa kinikilalang national artist ng Pilipinas para sa pelikula.

Pero marami pang kuwento. Alam ba ninyo na may mga artistang Pilipino na maituturing na bayani ng ating bansa?

Noong panahon ng pananakop ng mga Hapones noong World War II, si Fernando Poe Sr. na isang kilalang actor ay lihim palang kasanib sa USAFFE, at dahil siya ay isang kilalang artista, nakakalampas siya nang walang problema sa mga checkpoint ng mga Hapones. Siya ang nagdadala ng supplies sa mga sundalo sa Bataan  at nang malaunan ng tulong sa mga gerilyang Pilipino.

Si Fernando Poe ay isa ring dentista. Nagtapos siya ng kursong iyan sa Philippine Dental College noong 1942 at nagamit niya din ang nasabing propesyon niya sa mga lumalabang gerilya.

Bata pa rin noon si Leroy Salvador, na kagaya ng ibang mga artista ay lumalabas sa vaudeville, wala naman kasing pelikula noong panahon ng Hapon kung hindi dalawa lang. Walang mabiling raw materials noon at ang gusto ng mga Hapones ang pelikula ay gawing propaganda nila.

Si Kuya Leroy, dahil bata pa nga at hindi mapagbintangan, sa kanya pinapasa ang mga balita at mga order para sa mga gerilya. Sa kuwento niya, ini-imperidble niya ang mga papeles sa kanyang karsunsilyo at dinadala sa mga gerilya na naghihintay kung ano ang utos sa kanila.

Iyan ay mga kuwentong personal na hindi nalalaman ng lahat ng mga tao. Pero alam ng mga kasamahan nila noon, kabilang na ang radio announcer na si Col. Rafael Yabut na naging kasapi rin ng kilusang gerilya noong panahon ng Hapon.

Nang matapos ang giyera, si Rafael Yabut ay nanatili sa Philippine Constabulary, samantalang sina Fernando Poe Sr., at si Leroy Salvador ay nagbalik na sa showbusiness, wala silang taglay kung hindi ang karangalan ng paglilingkod sa bayan.

Isipin mo nga naman ano, tapos iyong mga noong panahon ng giyera ay kumampi pa sa kalaban, sinasabing hero daw at may monumento pa.

Masarap gunitain iyan sa ika 107 taon ng industriya ng pelikulang Pilipino.

vuukle comment

LA VIDA DE DR. JOSE RIZAL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with