^

Pang Movies

Sa sobrang loyal, Kuya Germs deserve rin ang monumento

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Actually, noong yumao si Kuya Germs (German Moreno) two years ago, ina­asahan na namin ang isang parangal mula sa GMA-7. Isa si Kuya Germs sa naging haligi ng network na iyan noong nagsisimula silang magpalit ng format. Ang Channel 7 noon ay pag-aari ni Bob Stuart, nasa ilalim ng Republic Broadcasting System at ang ipinapalabas lamang ay mga canned shows. Sumikat lang iyan sa seryeng Combat at sa cartoons na Popeye.

 

Noong makuha ng GMA, nagpalit sila ng format. Ang unang naging panghatak nila ay ang show ni Kuya Germs, ang Germicide na ang producer pa ay si Jojit Paredes. Nagkaroon iyan ng controversy nang ang show ay i-produce ni Gil Balaguer, na nagkaroon naman ng problema sa GMA kaya inilipat niya ang top rating show sa Channel 13. Nanatili si Kuya Germs sa GMA, out of loyalty. First time na nangyaring pinagtapat ang show ni Kuya Germs, ang Germspesyal na nasa Channel 13 at GMA Supershow ng GMA 7.

 

Nagkaroon na naman ng mga pagbabago, at naging witness kami nang may isang network na nag-aalok kay Kuya Germs na lumipat sa kanila. Pagkatapos nilang iharap kay Kuya Germs ang proposal nila over dinner, iniabot sa kanya ang susi sa isang brand new Mercedes Benz, kanya na iyon lumipat lang siya. Inalok siya nang mas malaking budget para sa kanyang show. Umiral ang ugali ni Kuya Germs na “hindi lang naman pera ang usapan”.

Hindi nahikayat si Kuya Germs.

Pero isang araw, nagulat na lang si Kuya Germs, dahil sa kabila ng mataas na ratings ng kanyang show, sinabihan siya, aalisin na ang GMA Supershow. Ilang linggo lang bago iyon, anniversary ng isa pa niyang show, ang That’s Entertainment, at naghahanda pa sila ng taping ng second show sa Araneta, nang sabihin sa kanyang huwag nang ituloy iyon, dahil last day na pala ng That’s.

Magkasama kami ni Kuya Germs noon. Masama ang loob niya. Pero hindi pa rin siya kumibo. Inilagay siya sa isang show na kung pumasok on air ay madaling araw na. Hindi kumibo si Kuya Germs. Pinasigla niya ang show nang madaling araw. Nauso ang Walang Tulugan, at na-develop ang time slot na iyon.

Nakamatayan na iyon ni Kuya Germs. Pero matapos ngang yumao si Kuya Germs, tinigbak na rin ang show na iyon. “Eh wala na si kuya Germs eh,” sabi pa ng isang network executive, na siguro tama naman, dahil sino nga ba ang makakapalit sa master showman.

Si Kuya Germs ang nagsimulang magbigay ng parangal sa mga baguhang artista, kaya nga nagkaroon ng German Moreno Youth Achievement Award noon sa FAMAS. Hindi pa siya nakuntento roon, mula sa sarili niyang bulsa, sinimulan niya ang Walk of Fame Philippines bilang parangal sa iba pang artista. Nagkaroon pa siya ng Garden of Stars doon sa Mowelfund Plaza. Siya ang nakipaglaban nang husto para makumbinsi ang city council ng Quezon City na kilalanin ang entertainment industry at tawagin ang lungsod na City of Stars.

Kung iisipin mo, sa rami ng kanyang nagawa, dapat nga may monumento na si Kuya Germs. Salamat na nga lang at matapos ang dalawang taon, ipinangalan sa kanya ang studio ng GMA na kung saan idinadaos noon ang programa niyang Walang Tulugan. Huli man daw, naihabol pa rin.

Sayang din dahil higit pa sa kalahati ng mga artistang napasikat ni kuya Germs ay wala noong gawin nila iyon. Kasi marami ay nakalipat na ng network.

Ewan lang kung nasabihan din nila ang lahat ng stars na nakasama niya sa kanyang shows. Palagay namin ay hindi, dahil the day before that ay may mga kasama kaming dati niyang stars, napag-usapan ang birthday niya, pero hindi nila alam na may ibibigay na parangal sa Master Showman.

Pero anyway, mabuti na rin iyon at kahit papaano ay nakaalala sila.

vuukle comment

GERMAN MORENO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with