Sunshine bumida agad!
Natatandaan kong nasabi sa akin minsan ng isang legendary star builder, “the secret of stars is to retard aging.” Ibig niyang sabihin, dapat maiwasan ang magmukhang matanda. Hanggang mukhang bata pa ang isang artista, maraming roles na magiging available sa kanya. Kung mukha na siyang matanda, talagang hanggang mother roles na lang ang mapupunta sa kanya.
Kaya nga hindi naman nakakagulat na makakuha pa ng lead role si Sunshine Cruz kahit 40 years old na siya. Kung titingnan mo naman kasi si Sunshine, mukhang teenager pa siya. Kung sabihin nga nila, salamat at wala na siyang masyadong problema ngayon. May panahon kasing nagmukha siya talagang matanda dahil sa mga problema.
Maliwanag na rin kung bakit nagbalik si Sunshine sa GMA 7. Diskarte nga naman sa career iyon. Bagama’t marami siyang trabaho at sunud-sunod ang serye simula nang magbalik siya sa ABS-CBN, supporting roles lang ang nakukuha niya. Kung biglang mataas ang rating ng kanyang gagawing serye, sigurado iyon bida na naman siya sa mga susunod pa. Mapapataas din niya ang personal rating niya.
Kita ng PPP, apat na araw lang sa hit movie
Sila rin mismo ang nagsabi, ang kinita ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) noong nakaraang taon ay umabot sa 170 milyong piso. Sa taong ito, inaasahan nila na mapapataas nila ang kita sa mga 210 milyon. Para sa ating mga sanay na sa pelikula, tiyak na ang sasabihin “kita lang iyan ng isang hit movie sa loob ng apat na araw”. Hindi ba madalas nating naririnig na ang isang hit movie ay kumikita ng 400 milyon sa loob lamang ng isang linggo?
Iyan ay kita ng isang araw lamang ng Metro Manila Film Festival.
Malaking tulong iyan sa maliliit na producers at sa mga baguhang director ng pelikula, na hindi naman makakakuha ng isang mainstream movie assignment hanggang hindi nila napapatunayan ang kanilang kakayahan na gumawa ng isang pelikulang kikita.
- Latest