Krema (7)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - November 1, 2016 - 12:00am

NAGPATULOY sa pagkukuwento ang kanyang Tiyo Mon tungkol kay Krema. Lasing na ang kanyang tiyo pero malinaw ang mga sinasabi kung paano sila naging mag-asawa ni Krema. Mahaba pala at kakaiba ang istorya nang kanilang pagiging mag-asawa. Kaya pala ganun ang agwat ng edad nila na halos anak na lamang niya si Krema.

“Dahil palagi akong dumadalaw sa bahay ng kaibigan ko --- ama ni Krema na noon ay nakaratay na dahil sa stroke, ako ang pinagbilinan niya ng kanyang anak. Wala raw talagang ibang titingin kay Krema dahil dayo lamang sila rito sa Villareal. Wala silang kamag-anak dito. Ang matindi nga ay nang sabihin na puwede kong maging asawa ang kanyang anak.’’

“Ano po ang isinagot mo sa ama ni Krema?’’

“Hindi nga agad ako nakasagot ng “oo” dahil nabig­la rin ako. Siyempre ito ba namang tanda kong ito tapos ang sinabi ng aking kaibigan ay puwede kong maging asawa ang kanyang 18-anyos na anak, narindi ako at hindi malaman ang isasagot.’’

“Ano po ang nangyari?’’

“Sa madaling salita, sa laging paulit-ulit na pagsasabi sa akin o paghahabilin sa kanyang anak, napa-“oo” na ako. Napangiti ang aking kaibigan sa aking pagtanggap sa kanyang alok. Para bang nagkaroon siya ng kapanatagan sa isipan. Nawala ang bigat ng alalahanin.’’

“Nasaan po si Krema nang mga sandaling iyon na inihahabilin siya ng ama?’’

“Katabi siya ng kanyang ama. Dinig na dinig niya ang ginawang paghahabilin. Kaya talagang walang pamimilit na nangyari. Ang ama niya mismo ang nagsabi nang lahat na siya ay kukupkupin ko anuman ang mangyari.’’

“Ano po ang nangyari, Tiyo pagkaraan?’’

“Kinabukasan, nalaman ko na lamang kay Krema na patay na ang kanyang ama. Nang ginigising daw niya ay hindi na kumikilos. Patay na. Iyak nang iyak si Krema.

“Mabilis akong nagtungo sa kanila at inasikaso ang pagsasaayos sa bangkay. Ako ang tumawag ng pune­rarya. Inayos ang pagpapalibing. Lahat nang dapat gawin ay ako ang nag-asikaso. Wala pa kasing muwang si Krema sa mga bagay na iyon…’

(Itutuloy)

KREMA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with