^

Punto Mo

EDITORYAL — Mga katanungan sa pondo ng ­PhilHealth at MAIFIP

Pang-masa

KASALUKUYANG hinihimay at pinagdedebatehan ang 2027 national budget. Isa sa naging kapansin-pansin ay ang magkaibang direksiyon ng pondo para sa PhilHealth at Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Ang MAIFIP ay programang nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mahihirap at kapos sa pambayad para sa ospital, gamot at iba pang serbisyong medikal.

Noong Oktubre 1, tinaasan ng isang House budget subcommittee ang panukalang pondo nito mula P24 bilyon tungong P49 bilyon.

Samantala, nasa humigit-kumulang P74 bilyon lamang ang panukalang subsidy para sa PhilHealth. Hindi pa pinal ang mga halagang ito at daraan pa sa deliberasyon ng Kamara.

Walang masama sa agarang medical assistance. Maraming pasyente ang nangangailangan nito kapag hindi sapat ang kanilang pambayad.

Pero mas malaking tanong ang dapat sagutin: bakit kailangang umasa nang malaki sa hiwalay na ayuda kung maaari namang palakasin ang PhilHealth?

Ayon sa healthcare groups, kailangan ng PhilHealth ng humigit-kumulang P244 bilyon para ­mapanatili ang kasalukuyang benefits at P376.7 bilyon kung palalawakin pa ang coverage.

Nagbabala rin silang maaaring maubos agad ang P74-bilyong subsidy kung ito lamang ang maibibigay.

May plano ang PhilHealth na palawakin ang benepisyo para sa cancer, mental health, tuberculosis, maternity care at iba pang sakit hanggang 2028.

Ngunit sinabi rin ng health officials na ­maaaring maantala ang ilan sa mga ito kapag kulang ang subsidy.

Matagal ding binabatikos ang MAIFIP dahil sa pagiging madaling maugnay sa political patronage. Sa DOH, hindi na kailangan ang guarantee letter para makakuha ng tulong.

Pero nananatili ang punto: ang healthcare ay dapat nakukuha sa malinaw at pare-parehong sistema, hindi sa paulit-ulit na paghahanap ng hiwalay na assistance o paglapit sa mga opisina ng mga politiko.

Mataas pa rin ang direktang gastos ng mga pamilya sa pagpapagamot, 41.2 porsiyento ng kabuuang health spending noong nakaraang taon ay mula mismo sa kanilang bulsa.

May lugar ang MAIFIP bilang agarang tulong. Pero ang pangmatagalang solusyon ay mas malakas na PhilHealth, para mas kaunting pasyente ang kailangang humanap pa ng panibagong programa kapag sila ay nagkasakit. Ito sana ang dapat at mahalagang pagtuunan ng pansin.a

PHILHEALTH

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with