Lalaki sa Singapore, kinasuhan matapos magpakalat ng ai-generated photo ng buwaya!
KINASUHAN sa Singapore ang isang lalaki matapos itong gumawa at magpakalat ng AI-generated na larawan ng buwaya na kunwari ay nakita niya sa isang sikat na reservoir.
Kinilala ang lalaki na si Ye Lin, isang Myanmar national, na nahaharap sa mga kasong communicating a false message at obstructing the course of justice.
Ayon sa pulisya, gumamit umano si Ye ng AI upang gumawa ng larawan ng saltwater crocodile bago ito ipadala sa isang kaibigan. Nagdulot ito ng pangamba matapos makatanggap noong Agosto 20 ang national water agency na PUB ng impormasyon na may buwayang namataan sa Pandan Reservoir, isang lugar na dinarayo para sa jogging at kayaking.
Dahil dito, nagsagawa ng search and capture operation ang PUB at National Parks staff. Pansamantala ring ipinahinto ang mga aktibidad ng Singapore Rowing Association at Singapore Canoe Federation sa lugar. Kalaunan ay kinumpirma ng PUB na peke ang larawan at ini-report ang insidente sa pulisya.
Ayon sa mga awtoridad, binura ni Ye ang pekeng larawan at ang AI app na ginamit niya sa paggawa nito sa pagtatangkang itago ang kanyang krimen. Ito ang naging basehan ng hiwalay na kasong obstruction of justice. Hindi naman malinaw kung paano unang nakarating sa PUB ang larawang ipinadala umano ni Ye sa kanyang kasamahan.
Sa ilalim ng batas ng Singapore, maaaring parusahan ng hanggang tatlong taong pagkakakulong, multang hanggang $10,000, ang pagpapadala ng false message. Samantala, ang obstruction of justice ay maaaring patawan ng hanggang pitong taong pagkakakulong at multa.
Nakatakdang dinggin sa korte ang kaso sa Nobyembre.
- Latest




















