Lalaki sa U.S., nakapagtala ng record dahil sa kanyang 525 skull tattoos!
ISANG 56-anyos na lalaki sa United States ang kinilala ng Guinness World Records matapos mapuno ng mahigit 500 skull tattoos ang iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nakuha ni Scott Norman ang official title na “most skulls tattooed on the body (male)” matapos maitala ang kabuuang 525 skull tattoos na naipon niya sa loob ng mahigit 30 taon.
Karamihan sa mga tattoo ay makikita sa kanyang likod at kanang binti, mula paa hanggang leeg. Iba-iba ang laki at disenyo ng mga ito, kabilang ang dalawang skull na magkadikit sa kanyang likod at dose-dosenang maliliit na skull malapit sa kanyang balakang.
Hindi naman orihinal na layunin ni Norman na magkaroon ng world record. Nagsimula siyang magpa-tattoo noong 1990 dahil lamang sa pagkahilig niya sa artwork.
Ang una niyang opisyal na skull tattoo ay ginawa noong 1994, isang bungo na nakasuot ng sombrero na ginamit bilang pantakip sa dati niyang tattoo sa dibdib.
Kalaunan, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan para sa kanya ang skull imagery. Matapos ang maraming taon na pagtatrabaho sa iba’t ibang bansa, sinabi niyang naging simbolo ito ng mortality, remembrance at pagkakapantay-pantay ng mga tao.
May malaking tattoo rin siya na may nakasulat na “Ghosts of War” na tumutukoy sa mga karanasan niya sa loob ng 20 taong pagtatrabaho sa ibang bansa.
Noong 2019, iminungkahi ng tattoo artist na si Juan Martinez na baka maaari siyang magkaroon ng record dahil sa rami ng skull tattoo sa kanyang katawan. Nang bilangin ng kanyang asawa, nasa 320 na pala ang skull tattoos niya.
Mula roon, sinadya na niyang dagdagan ang koleksiyon hanggang malampasan ang dating record na 376 skull tattoos na hawak ng yumaong si Charles “Chuck” Helmke.
Ayon kay Norman, hindi lamang ang Guinness World Record ang nakikita niya sa kanyang mga tattoo kundi pati ang mga artist, kaibigan, lugar at iba’t ibang yugto ng kanyang buhay na naging bahagi ng pagbuo ng kanyang koleksiyon.
- Latest



















