Lalaki sa Hungary, nakapagtala ng world record dahil sa koleksiyon ng lata ng energy drinks!
ISANG lalaki sa Hungary ang kinilala ng Guinness World Records dahil sa kanyang koleksyon ng 2,000 iba’t ibang energy drink cans mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Nakuha ni Gergo Borbely ang official title na “largest collection of energy drink cans”, halos dalawang dekada matapos magsimula ang kanyang koleksiyon dahil lamang sa isang inuming binili niya noong mainit na araw ng Agosto 2008.
Kuwento ni Borbely, ilang araw pa lamang siyang nakatira noon sa isang dormitory nang maghanap siya nang malamig at carbonated na inumin sa isang malapit na tindahan. Ang nakita lamang niya sa refrigerator ay isang Hell energy drink.
Hindi pa siya nakakatikim noon ng energy drink ngunit nagustuhan niya ito, kaya nagsimula siyang sumubok ng iba’t ibang brand. Kalaunan, dumami ang mga lata sa kanyang dorm room. Balak sana niyang dalhin ang mga ito sa recycling, ngunit habang inaayos ang mga lata ay nagdesisyon siyang magtira ng tig-isa sa bawat magkakaibang disenyo. Nasa 15 cans lamang ang una niyang itinabi sa shelf, ngunit patuloy itong dumami sa paglipas ng mga taon.
Nagdagdag siya ng mga lata mula sa kanyang mga biyahe sa Japan, United States at iba’t ibang bahagi ng Europe. Kabilang sa pinakapambihirang bahagi ng kanyang koleksiyon ang Michael Jackson Mystery energy drink cans mula pa noong 1990s. Mayroon din siyang lumang Guarana energy drink can na ginawa sa Yugoslavia. Espesyal ito para sa kanya dahil wala na ngayon ang bansang pinagmulan nito.
Ayon kay Borbely, mas limitado ang pagpipilian ng energy drinks noong nagsisimula pa lamang siyang mangolekta. Karamihan noon ay may halos magkakaparehong tutti-frutti flavor at kakaunti pa ang brands at variants kumpara ngayon.
Sa kabila ng pagkakaroon ng 2,000 magkakaibang cans at isang Guinness World Records title, wala pa siyang planong tumigil sa pangungulekta.
- Latest



















