^

Punto Mo

Inilipat ako sa ­malayong lugar, resignation ba kung tumanggi ako?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Inilipat po ako ng aking kumpanya sa isang branch na napakalayo sa aking tinitirhan. Higit tatlong oras ang biyahe ko araw-araw kung tatanggapin ko ito. Sinabi ng HR na kung hindi raw ako pupunta sa bago kong assignment, ituturing daw nila akong nag-resign. Tama ba ito? —Wesley

Dear Wesley,

Linawin muna natin kung ano ba ang ibig sabihin ng resignation. Ang resignation ay isang boluntaryo na pagpapasya ng empleyado na iwan ang kanyang posisyon, kasama ang malinaw na intensyong umalis sa trabaho. Kapag nanatiling handang magtrabaho ang empleyado at ang tinatanggihan niya lamang ay ang pag-transfer sa kanya, malinaw na wala talaga siyang intensyong magbitiw. Kaya kung ikaw man ay tatanggalin dahil ayaw mong magpa-transfer, hindi ito resignation kundi termination, at kakailanganin nilang patunayan na may wastong dahilan sa pagtanggal sa iyo at nasunod ang tamang proseso.

Kailangan din linawin kung wasto ba ang paglilipat sa iyo. Bagama’t bahagi ng management prerogative ang desisyon ukol sa pag-transfer ng mga empleyado, at ang paglabag sa isang lehitimong utos ukol dito ay maaaring ituring na insubordination, nilinaw ng Korte Suprema sa Blue Dairy Corporation v. NLRC (G.R. No. 129843, 14 September 1999), na ang paglilipat ay dapat na hindi magresulta sa pagbaba ng ranggo, sahod, o benepisyo ng empleyado, at hindi dapat ito ginagamit bilang parusa o paraan ng panggigipit. Kapag ang paglilipat ay hindi makatwiran o nagdudulot ng malaking kahirapan sa empleyado, maaring ituring ang transfer bilang constructive dismissal. Tandaan din na sa ganitong usapin, nasa employer ang pananagutang patunayan na ang paglilipat ay para sa lehitimong pangangailangan ng negosyo at hindi upang gipitin ang empleyado.

Kung ituloy nila ang pagtanggal sa iyo, ang maipapayo ko sa iyo ay huwag kang basta pumirma ng anumang dokumentong nagsasabing nag-resign ka. Sa halip, sumulat ka sa iyong employer at ipaliwanag nang maayos kung bakit hindi mo kayang tanggapin ang pag-transfer sa iyo, at ipahayag na handa ka pa rin namang magtrabaho sa iyong dating puwesto. Ipunin mo rin ang kopya ng utos ng iyong transfer at ang iyong sagot dito.

Ito ay para kung magpasya kang magsampa ng reklamo, may malinaw na pruwebang hindi ka nag-resign at wala kang naging intensyon na iwan ang iyong trabaho. Ang iyong employer ang kailangang magpatunay na may lehitimong rason ang ginawang paglipat sa iyo, at na ang pagtanggal sa iyo ay may makatwirang dahilan at isinagawa ayon sa tamang proseso.

WORK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with