EDITORYAL — Hindi na kailangan tulong ng pulitiko
NAGLABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng P27.4 bilyon para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) noong nakaraang buwan para matulungan ang mga Pilipinong nahihirapang tustusan ang pagpapaospital, gamot, emergency treatment at iba pang gastusing medikal.
Malaking halaga ito para sa isang programang maaaring maging sandalan ng mga pamilyang Pilipino na may medical emergencies. Pero kasabay ng paglalabas ng bilyun-bilyong piso, mahalagang itanong: gaano kadali at kapantay ang pagkuha ng tulong?
Kasabay niyon, nagreklamo naman si Sen. Pia Cayetano na hindi na umano tinatanggap ang recommendations ng minority senators para sa MAIFIP, habang may ibang senador na pinapayagan pa ring gumawa nito.
Pero baka maling tanong kung bakit hindi lahat ng senador ay puwedeng mag-recommend. Dahil ang mas mahalagang tanong: bakit kailangan pa ng recommendation na manggagaling sa mga pulitiko?
Sa 2026 national budget, isinama ang “anti-epal” provision upang ilayo ang mga pulitiko sa pamamahagi ng government financial assistance. Sakop nito ang MAIFIP at iba pang ayuda programs.
Malinaw ang prinsipyo: ang tulong ng gobyerno ay hindi dapat magmukhang personal na pabor ng isang pulitiko.
Hindi na rin kailangan ang dating guarantee letter mula sa elected officials para makatanggap ng MAIFIP assistance. Kung ganoon, bakit nananatiling mahalaga kung sino ang maaaring magbigay ng recommendation?
Kung kailangan talaga ito, may panganib na ang access sa tulong ay maimpluwensiyahan ng koneksiyon sa pulitika.
Mismong DBM ang nagsabing nais nitong gawing mas simple at accessible ang paghingi ng tulong, kabilang ang paggamit ng eMAIFIP sa eGovPH superapp.
Ang pasyenteng may sakit ay hindi dapat kailangang mag-ikot sa mga opisina, humingi ng endorsement o lumapit sa mga pulitiko bago makatanggap ng tulong.
Ang P27.4 bilyon ay pera ng bayan. Dapat makarating ito sa pasyente batay sa pangangailangan, hindi sa koneksiyon o kaya’y kailangan pang magmakaawa sa mga inihalal sa puwesto. Hindi na dapat pumila ang mga pasyente para lamang makakuha ng tulong.
Hindi dapat pag-awayan ng mga pulitiko kung sino ang puwedeng maging “padrino”. Ang tunay na reporma ay isang sistemang hindi na kailangan ng mga “padrino” para makahingi ng tulong.
- Latest



















