Makatatanggap ba ng separation pay kahit pumirma sa resignation letter?
Dear Attorney,
Kahit tinanggal kami sa trabaho dahil sobra na raw ang empleyado nila, pinapapirma pa rin kami ng resignation letter. Gusto kong malaman kung makakakuha pa ba kami ng separation pay sakaling pumirma kami ng resignation letter? —Tommy
Dear Tommy,
Hindi kayo dapat pinapipirma ng resignation letter kung ang pag-alis n’yo mula sa kompanya ay hindi n’yo naman kagustuhan at ito ay bunsod ng pagkakatanggal sa inyo dahil sa sobrang dami ng mga empleyado. Ang pagre-resign ay boluntaryo dapat sa empleyado kaya walang saysay ang pagpapapirma sa inyo ng resignation letter.
Dapat ding bayaran kayo ng separation pay kung ang pagkakatanggal sa inyo ay dahil sa labis na dami ng mga empleyado. Bagama’t mas mainam pa rin kung hindi kayo pumirma sa resignation letter, hindi dapat makaapekto sa karapatan n’yong makatanggap ng separation pay kung sakali mang nakapirma na kayo. Hindi maaring gamitin ng inyong employer ang pirmadong resignation letter upang makaiwas sa pagbabayad ng separation pay dahil hindi naman totoo na kayo ay nag-resign, lalo na kung sapilitan naman ang pagpapapirma sa inyo nito.
Maari n’yong ireklamo ang employer. Siguraduhin n’yo lang na may pruweba kayo na hindi talaga kayo nag-resign at ang totoo ay tinanggal lamang kayo dahil sobra na ang dami ng empleyado ng kompanya.
- Latest



















