Singsing na 28 taon nang nawawala, natagpuan sa isang lawa!
MULING napunta sa kamay ng may-ari ang isang class ring na nawala sa isang lawa sa New York matapos itong matagpuan ng dalawang metal detectorists, 28 taon matapos itong mawala.
Naghahanap ng mga lumang bagay sina Michael Siegle at Dylan LaPort sa Great Sacandaga Lake nang makatanggap sila ng signal mula sa kanilang metal detector. Nang baliktarin nila ang isang bato, tumambad sa kanila ang isang singsing mula sa Red Creek High School Class of 1988.
Agad na nag-post si LaPort ng larawan ng singsing sa Facebook sa pag-asang matutunton ang may-ari nito. Ngunit nang lumipas ang ilang linggo na walang kumokontak sa kanila, nagpasya silang tumawag mismo sa Red Creek High School.
Sa tulong ng isang secretary ng paaralan, mabilis na natukoy na ang singsing ay pag-aari ng dating estudyanteng si Kim Rasbeck.
Ayon kay Rasbeck, nawala niya ang singsing 28 taon na ang nakalipas habang namamasyal sa lawa kasama ang kanyang mga kaibigan. Hindi na umano niya inakalang makikita pa niya itong muli.
Inalok ni Rasbeck na sagutin ang gastos sa pagpapadala ng singsing, ngunit tumanggi sina Siegle at LaPort dahil ang nais lamang umano nila ay maibalik ito sa tunay na may-ari.
Para sa dalawang treasure hunter, masaya sila para sa mga taong muling nakakatanggap ng mga nawala nilang gamit.
“Masaya akong naibalik namin ito sa kanya,” ani Siegle. “Iyan naman ang ginagawa namin dito, nakakahanap ng mga singsing at ibinabalik sa may-ari. Bonus na lang ang anumang iba pang makita namin.”
- Latest



















