Milyonaryo sa China, inilihim sa anak na sila ay mayaman upang lumaki itong mapagkumbaba!
MAHIGIT 20 taon na itinago ng isang negosyante sa China sa sariling anak na milyonaryo ang kanilang pamilya upang hindi ito lumaking spoiled at umasa lamang sa kanilang kayamanan.
Si Zhang Zilong, 24, ay anak ni Zhang Yudong, founder at presidente ng Mala Prince, isang sikat na brand ng latiao o maanghang na Chinese snack na gawa sa wheat gluten. Taun-taon, umaabot umano sa 600 million yuan (tinatayang 5 billion pesos) ang kinikita ng kanilang kumpanya.
Pero ayon kay Zilong, wala siyang kaalam-alam kung gaano kalaki ang negosyo ng kanyang ama habang lumalaki. Nakatira lamang sila noon sa isang simpleng apartment sa Pingjiang County, Hunan.
Bagama’t alam niyang may negosyo ang kanyang ama, ang pagkakaalam niya ay baon ito sa utang at nahihirapang panatilihing buhay ang kompanya.
Dahil dito, lumaki si Zilong na naniniwalang kailangan niyang magsikap upang balang araw ay makatulong sa pagbabayad ng kanilang mga utang.
Matapos niyang makatapos sa kolehiyo, plano sana niyang humanap ng trabahong may suweldong 6,000 yuan kada buwan. Doon na ipinagtapat ng kanyang ama ang katotohanan na sobrang yaman ng kanilang pamilya.
Lumipat din ang pamilya sa isang bagong villa na nagkakahalaga ng 10 million yuan matapos umamin sa kanilang sikreto. Sa halip na maging bossing agad sa kanilang negosyo, nagsimulang magtrabaho si Zilong sa e-commerce department ng Mala Prince. Ayon sa kanya, normal na empleyado rin ang turing sa kanya ng kanyang mga katrabaho.
Gayunman, aminado si Zilong na hindi rin masamang malaman na marami pala silang pera.
“Being rich does make me happy,” biro niya sa isang panayam. Pangarap na ngayon ni Zilong na mapalawak ang Mala Prince sa international market at maipasok ang kompanya sa stock market.
Viral sa Chinese social media ang kuwento, bagama’t may ilan pa ring hindi makapaniwalang nagawang itago ng pamilya ang kanilang kayamanan sa loob ng dalawang dekada.
Pero para sa ibang netizens, kapani-paniwala ito dahil hanggang ngayon, simple pa ring manamit at mamuhay si Zilong.
- Latest
















