EDITORYAL - Pinuproteksiyunan kaya madulas ang 3 pugante
MAARING may katotohanan na may nagpuproteksiyon sa tatlong pugante na sina gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, at dating police superintendent Rafael Dumlao III. Bakit hindi sila mahuli? Bakit napakadulas ng tatlo?
Ayon sa report, pinuprotektahan si Ang ng mga aktibo at retiradong pulis. Si Bantag ay kinukupkop umano ng mga kamag-anak na kabilang sa isang tribu sa Hilagang Luzon samantalang si Dumlao ay palipat-lipat ng pinagtataguan.
Kamakailan, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nagpalabas na ng Red Notice ang Interpol laban sa tatlo para tugisin ang mga ito sa labas ng bansa. Ang Red Notice ay panawagan sa foreign government na hanapin at arestuhin ang wanted criminals.
Pero ayon sa report nasa Pilipinas pa ang tatlong pugante. Malayang nakagagalaw. Sa inis ni Remulla, binulyawan niya ang Philippine National Police (PNP) “May 200,000 kayo, tapos tatlong tao lang hindi n’yo mahanap?” Malaking sampal ito sa PNP na sa kabila ng kanilang bilyon-pisong intelligence fund at daang libong puwersa, napakadulas ng tatlo. Magaling magtago ang tatlo, o palpak ang PNP?
Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi sila madakip. Dahil sa kanilang background at impluwensiya, malakas ang hinala ng publiko na mga korap na pulis ang nagpuprotekta sa kanila. Si Ang, na utak umano sa pagkawala ng 34 na sabungeros, ay kilalang may mga aktibong sundalo at pulis sa kanyang payroll bilang mga personal bodyguard. Si Bantag naman, na mastermind sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid, ay dating hepe ng Bureau of Correction na may sariling galamay sa ahensiya. Habang si Dumlao, na utak sa karumal-dumal na pagpatay sa Koreanong si Jee Ick-Joo sa loob mismo ng Camp Crame. Nakuha ni Dumlao at kanyang grupo ang P3 milyong ransom na ginagamit pa rin umano ng kanyang pamilya. Balita pa, ang asawa ni Dumlao ay nagtatrabaho sa National Bureau of Investigation (NBI). May proteksiyon ba si Dumlao mula sa NBI? Dapat sampahan din ng kasong kriminal ang sinumang napatunayang nagkakanlong at tumutulong sa mga pusakal na ito, opisyal man o kamag-anak.
Kahit maglabas pa ng isang libong Red Notice ang Interpol, mawawalan ito ng saysay at magiging drowing lang kung walang sapat na “follow-through” o seryosong pagkilos mula sa mga awtoridad.
Nagsasawa na ang mamamayan sa mga press conference at palabas na imbestigasyon habang ang mga kriminal ay nagpapasarap sa ilalim ng proteksiyon ng mga gahamang opisyal. Ipakita ng PNP at DILG na may pangil ang batas. Matagal nang nauuhaw sa hustisya ang mga kaanak ng biktima. Tighawin ang kanilang pagkauhaw sa katarungan.
- Latest

















