^

Punto Mo

Hindi kotse ng pamilya ang sasakyan ng bayan

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

SA totoo lang, matagal nang kumukulo ang dugo ng mga nasa laylayan. Hindi dahil inggit kami. Hindi dahil kontra kami sa gobyerno. Kundi dahil sawang-sawa na kami sa harap-harapang abuso. Isang linggong kayod-kalabaw ang ordinaryong Pilipino. Minimum wage na halos hindi magkasya sa bigas, pamasahe, kuryente, tubig. Tapos pagdating ng Sabado at Linggo na dapat pahinga ng lahat may makikita kang sasakyang may pulang plaka na nakaparada sa resort, sa mall, sa beach, sa kung saan-saan. Parang pag-aari ng pamilya. Parang kotse ni ninong.

Ngayon, naglabas ang DILG ng paalala na bawal gamitin ang mga red-plate na sasakyan tuwing weekend at holiday. Dapat lang. Matagal na dapat. Pero ito ang tanong ng masa: Paalala lang ba? O may mananagot ba talaga? Hindi kami bobo. Alam naming ang sasakyang gobyerno ay binili gamit ang buwis namin. Buwis ng jeepney driver. Buwis ng tindera sa palengke. Buwis ng OFW na nalalayo sa pamilya. Ibig sabihin, bawat litro ng gasolina niyan, bawat maintenance, bawat gulong na napudpod pera ng bayan ‘yan.

Kaya kapag ginamit sa pansariling lakad, hindi lang simpleng “violation” ‘yan. Pambabastos ‘yan. Pambabastos sa mga naglalakad papasok sa trabaho. 

Pambabastos sa mga estudyanteng walang pamasahe. Pambabastos sa mga pasyenteng naghihintay ng serbisyo sa health center. Sabi ng DILG, ang mga sasakyang ito ay para sa “efficient and effective delivery of public services.” Tama. Pero kapag Sabado at Linggo, kung walang official duty, anong serbisyo ang dinideliver? Self-service?

Ang mas masakit, paulit-ulit na ang memo. Paulit-ulit ang paalala. Pero paulit-ulit din ang abuso. Ibig sabihin, hindi memo ang kulang. Disiplina at paninindigan ang kulang. Alam n’yo bang mas mahigpit ang gobyerno noong araw sa mga red plates?  Dapat from Monday to Friday 5 to 6pm nasa goverment offices na at nakaparada na sng mga red plates vehicles at pag inilabas ito ng tanggapan Saturday, Sunday and holidays kailangan meron silang trip ticket mula sa kanilang mga bossing at kung wala bawal ito katakot-takot na paliwanag ang kailangan at sinisita ng COA pa.

Sa totoo lang, galit ang nasa laylayan. Tahimik lang. Pero galit. Dahil habang sila nagtitipid sa pamasahe, may ilan na kampante sa aircon ng sasakyang hindi naman kanila. Hindi ito usapin ng kulay ng plaka. Usapin ito ng hiya. Kung talagang seryoso ang gobyerno sa accountability, hindi sapat ang press release. Kailangan may mahuli. May masuspinde. May maparusahan. Hindi para manakot kundi para ipakita na hindi joke ang batas. Dahil kung ang batas ay para lang sa maliit, at ang malaki ay laging lusot, huwag na tayong maglokohan. Ang totoong lingkod-bayan, marunong mahiya

CAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with