^

Punto Mo

Bagong lumilipad na kotse bibiyahe na!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MAHIGIT isang siglo nang sinusubukan ng tao ang ideya ng flying car pero ang Alef Model A ng Alef Aeronautics na nakabase sa California, United States ang unang uri ng lumilipad na kotse na umabot sa antas ng aktuwal na produksyon na may malinaw na plano para sa paghahatid sa mga pribadong kustomer.

Ang Alef Model A ay isang electric vehicle na hindi gumagamit ng gasolina at pinapagana ng distributed electric propulsion, isang teknolohiyang gumagamit ng maraming maliliit na motor sa halip na iisang malaking makina. Dahil dito, mas kontrolado ang paglipad at mas nababawasan ang panganib kapag may pumalya sa isang bahagi ng sistema.

Umaandar ito sa lupa tulad ng karaniwang sasakyan, ngunit kapag kinakailangan, maaari itong umangat at bumaba nang patayo sa himpapawid. Hindi na nito kailangan ng runway at hindi rin nangangailangan ng helipad, kaya teoretikal na maaari itong gamitin kahit sa masisikip na lugar sa kalunsuran.

Itinuturing ng mga tagapagtaguyod nito na “first true flying car” ang Alef Model A dahil hindi ito umaasa sa pakpak tulad ng eroplano. Sa halip, ginagamit nito ang lakas ng hangin mula sa mga nakatagong propeller upang manatiling nasa ere. Kapag nasa lupa, nagiging ganap itong kotse na may sariling motor sa bawat gulong.

Kaya nitong maglakbay nang humigit-kumulang 220 milya sa lupa at mga 110 milya sa ere bago muling kailanganing i-charge ang baterya. Sa praktikal na sitwasyon, kung mapagod ang piloto o magbago ang kondisyon ng panahon, maaari niyang ibaba ang sasakyan at ipagpatuloy ang biyahe sa kalsada.

Gayunman, hindi pa ito agad ilulunsad para sa malawakang bentahan. Ayon sa mga ulat, piling mga kustomer lamang muna ang unang makakabili ng Alef Model A sa unang bahagi ng 2026 para masubukan at matiyak na ligtas, maasahan at tumutugon ito sa pamantayan ng aviation at road safety bago tuluyang palawakin ang produksiyon. Sa kasalukuyan, isang piloto at isang pasahero ang makakasakay.

Hindi rin ito magiging abot-kaya para sa nakararami, kahit sa mayayamang bansa. Ang presyo nitong tinatayang $300,000 ay katumbas ng P17,613,786.39 batay sa palitan ng pera habang isinusulat ito. Pangmayaman ang halaga ngunit hindi imposibleng bumaba kung darami ang gumagawa, bumaba ang gastos sa produksyon at abot-kaya na ng bulsa sa paglipas ng panahon.

Matagal nang bahagi ng imahinasyon ang flying car. Nakita na ito sa mga science fiction movie tulad ng Star Wars, Blade Runner, Back to the Future, Total Recall, Minority Report, The Fifth Element, at Judge Dredd. Noon, ang mga ito’y kathang-isip lamang at simbolo ng malayong hinaharap. Ngayon, unti-unti nang lumiliit ang agwat ng pantasya at realidad.

Kapag ganap na naisakatuparan, may potensiyal itong makatulong sa problema ng trapiko at pagsisikip ng mga lansangan. Maaari rin nitong mabawasan ang tensiyon at galit sa kalsada at, sa teorya, magpababa ng bilang ng mga aksidenteng dulot ng banggaan ng sasakyan.

Ngunit hindi nangangahulugang madali ang lahat. Kakailanganin ang malinaw at mahigpit na mga batas at regulasyon. Kailangang tukuyin kung saan lamang ito maaaring lumipad, hanggang sa anong taas, at paano iiwasan ang banggaan sa ere.

Ang magmamaneho ng lumilipad na kotse ay magiging driver at piloto sa iisang katawan. Ibig sabihin, kakailanganin ng espesyal na lisensiya at masusing pagsasanay na katulad ng sa aviation, dahil ang pagkakamali sa himpapawid ay mas mapanganib kaysa sa pagkakamali sa lupa.

Mas matagal din bago ito ganap na matanggap at maging praktikal sa Pilipinas, isang bansang hindi pa rin ganap na handa sa malawakang paggamit ng electric vehicles.

 

Email: r[email protected]

CAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with