Walang salary increase taun-taon
Dear Attorney,
May nilalabag po bang batas ang employer kung hindi taun-taon ang salary increase ng kanyang mga empleyado? – Jeanie
Dear Jeanie,
May karapatan kayong magreklamo kung ang kasalukuyan ninyong sahod ay mas mababa na sa pinakahuling minimum wage na itinakda ng inyong Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB). Obligado ang bawat employer na sundin ang nakatakdang wage order sa rehiyon kaya anumang pagkukulang ay puwedeng maging basehan ng reklamo sa DOLE o sa NLRC.
Pero hangga’t natutugunan ng kompanya ang kasalukuyang minimum wage, walang masasabing labor violation. Kung kayo naman ay mas mataas sa minimum wage ang sinasahod at wala namang nakasulat sa inyong kontrata, CBA, o walang opisyal na company policy o practice na pagbabatayan ng regular na salary increase, wala ring masasabing paglabag sa batas ang employer kung hindi niya tinataasan ang suweldo ng kanyang mga empleyado taun-taon.
Sa madaling sabi, obligado lang ang employer na magtaas ng sahod kapag may bagong wage order. Kung sumusunod naman sa minimum wage ang employer pero matagal nang walang umento sa sahod ang kanyang mga empleyado, tanging ang employee contract, ang CBA ng mga empleyado, o ang company policy, at ang “long-standing practice” ng kompanya lamang ang mga puwedeng gawing batayan ng reklamo ukol sa salary increase.
- Latest