Peñones, na-dribble sa magandang puwesto!
Parang bola sa basketball si Brig. Gen. Rogelio “Pojie” Peñones dahil pinagpasa-pasahan siya sa isinagawang reshuffle sa Philippine National Police hanggang lumanding sa Police Regional Office 3. Bagyo! Hindi naman maitatatwa na kaya napasakamay ni Peñones ang PRO3 dahil mayroon siyang malakas na backer. Sa unang bugso ng reshuffle, si Peñones ay ini-assign sa PRO6 subalit kinabukasan na-amend ang order at inilipat siya sa PRO2. Sa dalawang posisyon na ‘iyon, masabing buwenas si Peñones dahil ang batambata niyang naging regional director. Pero hindi nagtapos dun ang buwenas ni Peñones dahil kinabukasan uli, may order siya bilang RD ng PRO3. Si Peñones ay aide ni former PNP chief at now Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. At open secret naman yan mga kosa na hindi ka lalanding sa PRO3 kapag wala kang basbas ni Central Luzon gambling lord at negosyante na si Bong Pineda alyas “Doce”. Ngayon mga kosa sino ang backer ni Peñones?
Si Peñones, miyembro ng PNPA Class ’95 ay magreretiro sa 2030. Trabahador ito kaya malayo rin t’yak ang kanyang mararating tulad ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III. Pinalitan ni Peñones sa PRO3 si PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na nailipat naman sa Directorate for Comptrollership sa Camp Crame. Si Fajardo ay kasama ni Torre sa pag-aresto kay KOJC pastor Apollo Quiboloy sa Davao City at sa pagpalayas kay Tatay Digong sa The Hague, Netherlands. Kaya tama lang na mapremyuhan siya. Nang maupo si Torre, si Fajardo ang kanyang manok bilang kapalit niya as CIDG director. Ayon sa mga kosa ko, hindi tinanggap ni Fajardo ang offer dahil magtatrabaho siya subalit hindi na siya ma-promote bilang 2-star dahil magreretiro na s’ya sa darating na Enero. Kaya ang CIDG ay ibinigay kay BARMM director Brig. Gen. Romeo Macapaz, na sumundo kay Quiboloy sa loob ng kanyang lungga noong s’ya ay inaresto. Sa DC, hindi rin mapo-promote si Fajardo subalit ang trabaho lang n’ya ay magbilang ng pera ng PNP. Pabaon?
Ang papalitan sana ni Peñones sa PRO6 ay si Brig. Gen. Jack Wanky, na inilipat naman sa PRO4A. Mukhang may malakas ding padrino ni Wanky dahil tulad ng PRO3, masabing “greener” assignment itong PRO4A. Magtatrabaho pa kaya si Wanky eh magreretiro na ito sa Enero. Pabaon din?
Si Brig. Gen. Antonio Marallag Jr., naman ang papalitan sana ni Peñones sa PRO2 subalit bigla siyang nai-dribble sa PRO3. Kaya ipinalit sa kanya ay si Brig. Gen. Jerry Protacio na kaklase ni Torre sa PNPA Class ’93. Sa kasamaang palad, nakansela ang turnover ceremony ni Protacio noong June 21 sa Camp Adduru, Tuguegarao City kahit nandun na ang mga PRO2 personnel, stakeholders at invited guests. Mukhang nakakuha ng padrino si Marallag. Kailangang gandahan ni Marallag ang performance dahil tiyak may nag-aabang na magkamali siya.
Si Brig. Gen. Dindo Reyes na dating itinalaga sa PRO2 ay inilipat sa PRO1 samantalang si Brig. Gen. Josefino Ligan na ang unang assignment ay PRO1 ay napunta sa PRO6. Walang halong pulitika itong kina Reyes at Ligan. Abangan!
- Latest