EDITORYAL - Walang ipinagbago sa K to 12 program

SA Pulse Asia Survey na ginawa noong nakaraang Marso 23-29, 2025, nasa 42 percent ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa K to 12 program. Sa survey pa rin ng Pulse Asia ukol sa Senior High School (SHS) program, 40 percent ang hindi nasisiyahan.
Noong Miyerkules, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na walang magandang bunga ang K to 12 program. Marami umanong estudyante ang hindi nakakakuha ng trabaho kahit nagtapos ng Senior High School. Nagastusan lamang umano ang mga magulang sa nasabing programa tulad ng matrikula at pambili ng school supplies sa loob ng 10 taon. Ayon sa Presidente, ipinauubaya na umano niya sa Kongreso kung aamyendahan o aalisin ang K to 12.
Noong nakaraang Abril, inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagdinig ng Senado na tinatayang 18.96 milyon na senior at junior high school students na nagtapos noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng simpleng istorya.
Noong 2022, hindi nakaabot sa required proficiency levels ang maraming junior high school students dahil sa kahinaan nila sa Science, Math at Reading Comprehension. Bagsak din ang Pinoy students sa creative thinking assessment na noong 2022. Ikalawa sa kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 64 na bansang sumailalim sa PISA assessment.
Sa nangyayaring ito na naging kulelat ang mga estudyante, malaking katanungan kung dapat pa bang ipagpatuloy ang K to 12 program o dapat nang ibasura. Kung ang mismong Presidente ng bansa ay nagsabing sablay ang K to 12, dapat pa ba itong ipagpilitan.
Sa ilalim ng K to 12 program, ang mga mag-aaral ay dadaan sa: 1 taon sa Kindergarten, 6 na taon sa elementarya, 4 na taon sa junior high school, at 2 taon sa senior high school. Sa dati o lumang programa, 6 na taon sa elementarya at apat na taon sa high school ang binubuno na may kabuuang 10 taon.
Mula nang ipatupad ang K-12 program noong 2013, walang nakitang pagbabago sa sistema ng edukasyon. At ang nakapanlulumo, hindi makakuha ng trabaho o ayaw tanggapin ng mga kompanya ang mga nagtapos ng Senior High School.
Dapat magpasya ang Department of Education (DepEd) kung dapat pa bang ipagpatuloy ang K to 12. Sa loob nang maraming taon mula nang ipakilala ang K to 12, walang ipinagbago sa kalidad ng edukasyon at lumubha pa. Kung walang pakinabang sa K to 12, dapat na itong alisin at magbalik na sa dating sistema.
- Latest