EDITORYAL - Buwis ng petrolyo, alisin na muna

SA susunod na linggo, magtataas ng P2.50 per liter ang gasoline at P4.80 naman sa diesel, samantalang ang kerosene ay P4.25. Ayon sa Department of Energy (DOE) ang pagtaas ay bunga ng giyerang nagaganap sa pagitan ng Israel at Iran na sumiklab noong nakaraang linggo.
Apat na sunud-sunod na linggo nang nagtaas ng presyo ang mga produktong petrolyo at ang masamang balita, patuloy pa itong magtataas. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagpapaulan ng missiles at drones ng Iran sa Israel. Sinasagot at hinaharang naman ng Israel ang bawat pinalilipad na missiles ng Iran.
Unang nagpaulan ng missiles ang Israel sa Iran noong Hunyo 13 at tinarget ang nuclear at ballistic missile program ng Iran. Gumanti ang Iran at nagpakawala ng missiles sa Tel Aviv at Haifa na ikinamatay ng 18 Israeli at ikinasugat ng 100.
Maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel ang nagnanais nang umuwi sa bansa dahil sa takot na madamay sa kaguluhan. Pinag-aaralan na ng pamahalaan kung paano ililikas ang OFWs sa Israel.
Dati ang nangyayaring giyera sa Russia at Ukraine ang dahilan kaya sumisirit ang presyo ng petroleum products pero ngayon, giyera na ng Israel at Iran. Hindi biro ang nangyayari sa pagitan ng Israel at Iran na maraming maaapektuhan sakali at hindi mapigilan ang labanan. Ang Iran ay isa sa mga pinakamalaking nagpo-produce ng oil sa mundo at kung matitigil ang kanilang oil production, kakapusin sa supply at lalong tataas ang presyo ng petroleum products.
Sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, humirit ng P1 fare increase ang mga operator at drayber ng jeepney. Dahil umano sa sunud-sunod na pagtaas ng gasolina at diesel, wala na silang kinikita. Wala na umano silang maiuwi sa pamilya.
May panukala na pagkalooban ng fuel subsidies ang PUV drivers dahil sa nangyayaring pagtaas ng petrolyo. Ginawa na ito noong 2023. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxis, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng delivery services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle drivers ay P1,000.
Pero ang subsidy ay panandalian lamang. Pantapal lamang para maibsan ang nadaramang gutom. Kapag naubos ang subsidy, balik uli sa paghihikahos dahil patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
May paraan naman para mapagaan ang dinaranas na kahirapan dulot ng oil price hike. Ito ay ang pagsuspende sa excise tax sa petroleum products. Nakasaad sa TRAIN Law na kapag ang presyo ng bawal bariles ng langis ay umabot sa $80, maari nang suspendihin ang tax nito. Ito ang dapat gawin para mabawasan ang dinadala ng mamamayan.
- Latest