^

Punto Mo

Tayong lahat ang lilitisin  

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NOONG 1922, sa pambansang pagpupulong ng isang partido pulitikal, sinabi ni President Manuel L. Quezon, “Ang katapatan ko sa aking partido ay nagtatapos kapag nagsimula ang katapatan ko sa aking bayan.” Binibigyang-diin ng mga pananalitang ito na ang katapatan ng isang halal na lider ay dapat sa bansa lamang nakatuon, at hindi sa partido o pamilya o samahang kinabibilangan.

Hinangaan ang ating mga lider noon na talagang nagpakita ng pagmamahal at katapatan sa bansa nang higit kaysa pagmamahal at katapatan sa kanilang partido o pamilya. Hindi rin matatawaran ang katalinuhan ng ating mga lider noon, lalo na ang mga Senador. Ang Senado ang pinagmumulan noon ng matatalino’t tapat na lider, na tulad nina Tañada, Diokno, Salonga, Roco, Santiago, Pimentel, at Aquino.

Pagkatapos ng 103 taon, ano na ang nangyari sa uri ng mga lider na iniupo sa Senado na ang tungkulin ay lumikha ng batas? Nakapaghalal tayo ng mga senador na walang kaalam-alam sa paglikha ng batas, walang mataas na pinag-aralan, walang karanasan sa pamumuno, at bagsak sa good manners and right conduct.

Nakapaghalal tayo ng mga popular dahil artista, media personality, social media influencer, at mula sa family dynasty, pero kahina-hinala kung saan nakatuon ang kanilang katapatan. Ang tawag natin sa Senado ay Mataas na Kapulungan, sa Kamara de Representante ay Mababang Kapulungan.

Pero dahil sa isyu ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, lumalabas na mas mataas ang antas ng katapatan sa bayan ng mga kongresista kaysa mga senador. May tumitindig namang mga senador na ang katapatan ay sa Konstitusyon, pero iilan lamang sila.

Dahil sa isyu ng impeachment, lumutang ang mga senador na talagang ang katapatan ay nakatuon sa isang tao o kaya’y sa sariling ambisyon. Gagawin ang lahat para hindi matuloy ang impeachment, kahit mas nakararaming mamamayan ang panig sa impeachment, at kahit sinasabi na ng mga eksperto sa batas na labag sa Konstitusyon ang pagbasura rito.

Sa panahon ng impeachment, ang buong Senado ay korte, kung kaya’t lahat ng senador ay hukom. Ang isang napakahalagang katangian na dapat taglayin ng isang hukom ay ang pagiging makatarungan, walang kinikilingan at pinapaboran. Hahatol siya batay sa ebidensiya, at hindi batay sa kanyang political affiliation o pagiging kaalyado ng nasasakdal.

Hahatol siya alang-alang sa kabutihan ng bansa, at hindi para sa kabutihan ninuman. Paano natin ito aasahan sa isang senador na tagapagtanggol at parang abogado ng nasasakdal? Napakahirap isipin!

Ang sasailalim ng paglilitis sa panahon ng impeachment ay hindi lamang si Sara, kundi ang buong Senado mismo. Dito natin malalaman kung sino sa mga senador ang may talino, may integridad, may pagmamahal sa katotohanan at katarungan. Maganda ang mga salitang ginamit ng isang tricycle boy. Sabi niya, dito natin malalaman kung sino sa mga senador ang may modo at kahihiyan.

Hindi na ito kaso lang ni Sara. Ang nakataya rito’y hindi lamang ang integridad ng Senado.  Ang nakataya rito’y ang integridad ng buong gobyerno, ng media, ng civil society, at ng bawat mamamayang Pilipino. Ang kalalabasan ng impeachment trial ang magsasabi kung karapat-dapat pa tayong tawagin na isang bansang demokratiko. O tawaging isang bansang tuluyan nang nawala sa kanyang sarili.  

SENADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with