Musikero sa Trinidad and Tobago, tuluy-tuloy na tumugtog ng steel drums sa loob ng 31 oras!
NAKAPAGTALA ng bagong world record si Joshua Regrello, isang na musikero sa Trinidad and Tobago, matapos siyang magtanghal nang tuluy-tuloy na pagtugtog ng steelpan o steel drums sa loob ng 31 oras.
Lumaki si Regrello sa pamilya ng mga musikero at sa murang edad ay nahubog na ang kanyang pagmamahal sa steelpan, isang instrumentong naimbento mismo sa Trinidad and Tobago at itinuturing na nagdadala ng makulay at makasaysayang kultura ng Caribbean. Ayon kay Regrello, hindi lamang ito basta instrument dahil sumasalamin din ito sa laban ng kanilang lahi para sa pagkilala at karapatan.
Hindi naging madali ang record attempt ni Regrello. Sa gitna ng matinding pagod at antok, umasa si Regrello sa pananampalataya at suporta ng pamilya at kaibigan. Sa loob ng 31 oras, ginabayan siya ng kanyang ina, kasintahan, at 80-anyos na lola na hindi umalis sa kanyang tabi. Pinunuan ng kanilang pagmamahal at mga lokal na musiko ang entablado, lalo na sa mga sandaling siya ay nanghihina na.
Bukod sa pisikal na pagod, bitbit din ni Regrello ang inspirasyon na maipakilala pa sa mundo ang steelpan. Para kay Regrello, ang kanyang tagumpay ay hindi lang personal dahil ito ay para sa lahat ng taga-Trinidad and Tobago at buong Caribbean. Pinatunayan niya na kahit gaano man kalayo o kaimposible ang isang pangarap, posible itong maabot basta’t may tiyaga, pananampalataya, at suporta ng komunidad.
- Latest