EDITORYAL - Dating problema sa school opening, balik na naman

Kahapon nagbukas ang school year 2025-2026. Nagbalik eskuwela ang 27.6 milyong estudyante sa public schools. Ito ang unang pagkakataon na ibinalik sa Hunyo ang pasukan. Sa school calendar, magsisimula ang pasukan ng Hunyo 16, 2025 at matatapos ng Marso 31, 2026.
Sa pagbubukas ng klase kahapon, dalawang problema ang kinaharap ng Department of Education (DepEd)—una, ang kakulangan sa classrooms at ang ikalawa, kakulangan sa mga guro. Ang dalawang problemang ito ay noon pa namamayani at sa kabila na may malaking budget ang DepEd para sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan at pag-hire sa mga guro, nananatili pa rin at hindi masolusyunan ang mga problema. Ang apektado sa mga problemang ito ay ang mga estudyante mismo. Malaki ang kaugnayan ng pagiging mahina ng mga estudyante sa aralin sa kakulangan ng classrooms at guro. Kung nagsisiksikan na parang sardinas ang mga estudyante, paano sila makakapagpokus sa aralin.
Apektado rin sila kung kulang ang guro. Mayroong mga guro na maraming subjects na hinahawakan kaya halos siya na lamang ang nakikita ng estudyante sa buong araw.
Sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, karaniwan na ang tanawin na mayroong nagdaraos ng klase sa lobby ng school, sa comfort room na ginawang classroom at mayroong nagkaklase sa ilalim ng punongkahoy. Posibleng mangyari na naman ang senaryong ito kung hindi makagagawa ng paraan ang pamahalaan. Malaking problema para sa mga estudyante ang pagsisiksikan sa classroom. Tinatayang 65,000 na classrooms ang kulang samantalang 30,000 naman ang kinakailangang mga guro.
Ang kakulangan ng classrooms at guro ay inamin naman ni DepEd Sec. Sonny Angara. Tinutugunan na umano ang problemang ito. Nagpapagawa na umano sila ng school buildings subalit talaga lamang mabilis dumami ang mga mag-aaral na nag-eenrol taun-taon. Patuloy din umano ang pag-hire ng mga bagong guro.
Taun-taon ay hindi na nabago ang problema tuwing pasukan. Harinawa na sa susunod na school year ay matugunan na ang mga problema. Malaki ang kaugnayan ng dalawang problemang nabanggit sa kalidad ng edukasyon. Sa mga kumpetisyon, nangungulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa Math, Science at Reading Comprehension. Malutas na sana ang mga problema na nakaaapekto sa paglinang ng kaalaman ng mga bata.
- Latest