^

Punto Mo

Kuryente mula sa lupa: Lihim ng Nagsasa

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Matagal nang natuklasan ang sumisingaw na geologic o natural hydrogen sa Nagsasa, San Antonio, Zambales. Isa itong gas na puwedeng gamitin bilang kuryente. Pero malinis ito, walang usok, walang carbon dioxide, walang dagdag-init sa mundo. Kaya tinatawag itong “green energy” o malinis na enerhiya.

Karaniwan, ginagawa ang hydrogen sa mamahaling paraan—sa mga planta, gamit ang kuryente o langis. Pero itong nasa Zambales, libre. Likas itong lumalabas sa lupa. Para kang may kusang gripo ng gas sa likod-bahay.

Sa bagong pag-aaral ng mga eksperto mula sa Department of Science and Technology (DOST), lumabas na ang Nagsasa seep ay may record-breaking na 808 toneladang hydrogen gas kada taon—lampas sa naitalang record sa Albania na 200 tonelada lang.

Kung gagamitin ito para sa kuryente, kayang magsuplay ng halos kalahati ng pangangailangan ng buong bayan ng San Antonio. Ayon kay Dr. Karmina Aquino, geological chemist at Science and Technology Fellow ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), puwede itong makatulong sa mahigit 10,000 pamilya—lalo na sa mga hindi pa konektado sa grid.

Ang maganda pa, libre ito at galing sa kalikasan. Hindi kailangang magmina o gumamit ng mamahaling teknolohiya. Sa ngayon, ginagamit pa lang ang gas bilang halo sa ibang gas sa isang maliit na generator. Pero may plano na ang DOST na idebelop ito para diretsong gawing kuryente.

Sabi ni Aquino, ang Pilipinas ay isa sa mga orihinal na lugar na may ganitong uri ng hydrogen seep—simula pa raw noong dekada 80. Pero ngayon lang ito nabibigyang seryosong pansin.

Nakalulungkot lang na hanggang ngayon, hindi pa rin ganap na napapakinabangan ang geologic hydrogen sa Zambales bilang mapagkukunan ng kuryente. Ilan sa maaaring dahilan ay ang kakulangan sa pondo para sa malawakang pananaliksik, kakulangan sa teknolohiya, at kawalan ng malinaw na patakaran o business model.

Wala pang tiyak na sistema para kolektahin, iimbak, at i-convert ito sa malinis na elektrisidad para sa mas maraming mamamayan.

Hindi rin natatangi ang Pilipinas sa ganitong kalagayan. Sa iba’t ibang bansa, karamihan ay nasa exploration o pilot stage pa lamang ng natural hydrogen development. Sa ngayon, tanging ang Mali pa lang ang may aktwal na operasyon kung saan ginagamit ang natural hydrogen para sa kuryente sa isang maliit na bayan.

Ngayong mahal ang kuryente at patuloy ang banta ng global warming, kailangan nating humanap ng mas malinis at abot-kayang alternatibo. Ang natural hydrogen ay maaaring isa sa mga sagot—kung mapapatunayan nga ang sinasabing potensiyal nito at kung kikilos tayo agad.

Sa panahon ng mataas na singil sa kuryente, rolling brownouts, at panawagan para sa renewable energy, narito ang isang likas-yamang literal na sumisingaw mula sa lupa ng Zambales.

Ayon sa Department of Energy, may siyam na ophiolite belts sa Pilipinas (kabilang ang Zambales, Palawan, Mindoro, Samar, Cebu, at Bohol)—lahat ay teoretikal na pinagkukunan ng posibleng natural hydrogen dahil sa proseso ng serpentinization. Subalit, hanggang ngayon, wala pang konkreto o documented na gas seep sa iba pang mga lugar maliban sa Zambales.

-oooooo-

Email: [email protected]

ZAMBALES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with