EDITORYAL - Walang katapusang korapsiyon sa BI

MARAMI nang naitalagang commissioner sa Bureau of Immigration (BI) subalit walang nagkaroon ng lakas ng loob na linisin ang ahensiya sa kabulukan. Pinananatili sa ahensiya ang mga gutom na buwaya. Dahil sa kawalan ng lakas ng loob, nangitlog at dumami pa ang mga buwaya.
Hindi lamang mga karaniwang empleyado ng BI ang nasasangkot sa katiwalian kundi pati na rin mismong ang commissioner. Nakakahiya ang nangyayari sapagkat dapat ang BI commissioner ang magpapakita ng halimbawa sa nasasakupan.
Noong nakaraang taon, sinibak ni President Ferdinand Marcos Jr. si BI Commissioner Norman Tansingco dahil sa “pagkakatakas” ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at mga kasama noong Hulyo 18, 2024. Nakarating sina Guo sa Malaysia, Singapore at Indonesia. Ayon kay Guo, sumakay sila sa yate at lumipat sa mas malaking barko at nagbiyahe ng apat na araw hanggang makarating sa Malaysia. Naaresto sina Shiela at Cassandra Li Ong noong Agosto 20 sa Indonesia samantalang naaresto si Alice Guo noong Setyembre 5 sa bahay ng isang monk sa Indonesia. Hanggang ngayon, nananatiling misteryo kung paano nakalabas ng bansa sina Guo na hindi na-monitor kuno ng BI.
Ipinalit kay Tansingco si Joel Anthony Viado. Pero ngayon, may mga grupo ng empleyado sa BI na nag-aakusa kay Viado ng corruption. Sabi ni Viado, ang smear job laban sa kanya ay may kaugnayan sa naka-detained na Chinese businessman na si Tony Yang. Pinag-utos ni Marcos ang pag-iimbestiga kay Viado. Sabi ni Viado, handa siya sa corruption probe. Nararapat maimbestigahan si Viado para lumabas ang katotohanan. Patunayan niya na mali ang ipinaparatang sa kanya.
Pinakamalaking kontrobersiya sa BI ay nangyari noong 2022 nang sumingaw ang “pastillas scam” na binulgar ni Sen. Risa Hontiveros. Tinaguriang “pastillas scam” dahil ang perang suhol ng mga dayuhang Chinese sa mga korap BI officials ay nakabilot na katulad ng pastillas. Sa imbestigasyon ng Senado, P40 bilyon ang naibubulsa ng mga korap sa BI dahil sa visa-upon-arrival (VUA) policy. Noong Hunyo 2022, mahigit 40 BI officials ang sinibak sa puwesto dahil sa scam.
Noong Pebrero 2024, apat na abogado ng BI ang sinibak sa puwesto dahil sa pag-iisyu ng working visas sa mga dayuhan na bogus naman ang mga kompanya.
Noong Marso 4, 2025, pinatakas ng tatlong Immigration personnel ang South Korean fugitive na si Na Ikhyeon, habang dumadalo sa hearing sa Quezon City Prosecutor’s Office kaugnay sa kaso nitong estafa. Malaking halaga ang sangkot.
Mayroon pa kayang matinong tao na maipupuwesto sa BI? Kailangang maging maingat ang kasalukuyang administrasyon sa pagtatalaga ng commissioner sa BI. Piliin ang mapagkakatiwalaan at hindi nasusuhulan.
- Latest