EDITORYAL - Mamamayang sakmal ng korapsiyon, kahirapan at kamangmangan

MATAGAL nang nakalaya sa mga Kastila ang mga Pilipino. Ganundin sa mga sumakop na Amerikano at mga Hapones. Pero hanggang ngayon, nanatili pa ring nakakulong at alipin ang mga Pilipino ng tatlong ‘‘K’’—korapsiyon, kahirapan at kamangmangan.
Ang tatlong ‘‘K’’ ay mas masahol pa sa tatlong bansang sumakop sa bansa. Ang mga ito ang namamayani at nagbabaon sa mga Pilipino sa lalo pang kumunoy ng karukhaan. Hindi makahulagpos ang mga Pilipino sa bagsik ng tatlong ‘‘K’’.
Patuloy ang korapsiyon sa maraming tanggapan ng pamahalaan. Hindi gagalaw ang mga papeles o dokumento kung walang padulas na pera. Mababanggit ang katiwalian sa Bureau of Immigration, Land Transportation Office, Bureau of Customs, Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Department of Education at marami pa. Nasa kontrobersiya ang Office of the Vice President dahil sa isyu ng confidential funds. Isinakdal ng mga kongresista si VP Sara Duterte at na-impeached. Nasa balag ng alanganin ang impeachent trial ng VP dahil sa mabagal na aksyon ng Senado bilang impeachment court.
Patuloy namang namamayani ang kahirapan sa maraming Pilipino. Marami ang nakasahod ang kamay sa ipinagkakaloob na ayuda ng pamahalaan. Maraming walang trabaho. Marami na ang dumaraing na nakaranas ng gutom. Sa mga survey, lagi nang marami ang nagsasabing nakararanas sila ng gutom.
Marami pa ring mangmang sa bansang ito. Maraming salat sa kaalaman na nagpapakita na may mali sa sistema ng edukasyon. Ayon sa survey, maraming bata na edad walo ang hindi marunong bumasa at sumulat. Nangungulelat sa Science at Math ang mga kabataan. Natatalo sa kumpetisyon ng mga katabing bansa. Ang mga nagtapos ng senior high school ay walang nalalaman at hindi maunawaan ang binabasang istorya.
Ang isang matinding kamangmangan na nakita sa mga Pilipino ngayon ay ang paghahalal nila ng mga kandidatong senador. Hindi na natuto ang marami sa paghahalal ng kandidato na wala namang nagagawa para mapaunlad ang buhay ng tulad nilang mahihirap. Ang pinakamasaklap, ang pinili nila at iniluklok ay hindi pala sila ang paglilingkuran kundi isang tao na kanilang iniidolo at handang ipaglaban ng patayan.
Kailan makalalaya sa korapsiyon, karukhaan at kamangmangan ang nakararaming Pilipino? Mahirap sagutin.
- Latest