Lalaki sa India, nakatanggap ng Guinness World Record dahil sa malaking koleksiyon ng camera!
ISANG dentista sa Chennai, India ang nagbigay ng kakaibang dahilan para ngumiti, hindi lang dahil sa kanyang propesyon kundi pati na rin sa pambihirang koleksyon niya ng mga kamera na umabot na sa mahigit 5,707.
Si Dr. Arcot Vasantha Rao Arun ay nagsimulang mangolekta ng kamera noong kanyang kabataan, ngunit lalo niyang sineryoso ang hobby na ito noong 1997 nang makabili siya ng antique na twin-lens camera mula sa isang flea market.
Mula noon, unti-unting lumago ang kanyang koleksiyon hanggang sa umabot ito ng mahigit 1,000 dahilan para buksan niya noong 2017 ang sarili niyang Camera Museum sa kanilang lugar.
Ngayon, triple na ang bilang ng mga kamera sa kanyang museo. Makikita sa kanyang museo ang mga klasikong Nikon hanggang sa malalaking large-format camera na mula pa noong 1895.
Tulung-tulong sila ng kanyang kaibigan na si Tanishq Arun sa pagdodokumento ng bawat piraso na umabot ng walong buwan bago natapos ang opisyal na bilang para sa Guinness World Records.
Sa kabila ng lawak ng kanyang koleksiyon, kinailangan pa niyang bumili ng ika-5,708 na camera para gamitin sa pagkuha ng litrato ng lahat ng kanyang mga camera.
- Latest