Nigerian golfer, 36 na oras na walang tigil nanaglaro ng golf para sa Guinness World Record!
ISANG Nigerian na nakabase sa Long Island, New York ang posibleng magtala ng bagong Guinness World Record matapos maglaro ng golf nang tuluy-tuloy sa loob ng 36 na oras.
Sinimulan ni Kelechi Ezihie ang kanyang marathon sa Huntington Crescent Club ng 6:00 ng gabi noong Hunyo 11, na may layuning mag-golf sa loob ng 24 na oras, ang minimum na itinakda ng Guinness para simulan ang kategoryang “longest marathon playing golf.”
Ngunit nang mabalitaan niyang may Norwegian na nagtangkang tumagal ng 32 oras, agad niyang pinalawig ang kanyang paglalaro hanggang umabot ng 36 na oras.
Layunin ni Ezihie na gawing mas abot-kaya at bukas ang golf para sa mas nakararami, partikular na sa mga kabataan sa Nigeria. Aniya, nagbabalak siyang magtayo ng golf course doon para maipakilala ang sport sa mga batang hindi karaniwang nakararanas ng ganitong laro, anuman ang kanilang estado sa buhay o kalagayan.
Sa ngayon, hinihintay pa nila ang official verification ng Guinness World Records para sa kanyang natatanging tagumpay.
- Latest