EDITORYAL — ‘Bullying capital of the world’

NAKAKAHIYA ang taguri sa Pilipinas na “bullying capital of the world”.
Tumutukoy ito sa mga nangyayaring pambu-bully ng mga estudyante sa kapwa estudyante. Ang masakit, humahantong ang pambu-bully sa karahasan at may namamatay. Ngayong magsisimula na ang school year 2025-2026 sa Lunes (Hunyo 16), pinangangambahan ng mga estudyante at magulang ang bullying. Tiyak na may magaganap na namang insidente ng bullying sa paaralan.
Sa ganitong sitwasyon, nararapat na gumawa ng hakbang ang Department of Education (DepEd) upang maiwasan ang bullying. Hindi na dapat maulit ang mga nangyaring bullying sa paaralan na ang ilan ay humantong sa pagdanak ng dugo.
Nangako si DepEd Assistant Secretary for Operations Jocelyn Andaya na gagawin nila ang lahat upang matigil na ang mga nagaganap na bullying sa educational institutions. Ayon kay Andaya, nag-isyu na ang DepEd ng bagong guidelines sa schools bilang bahagi ng pag-combat sa bullying.
Kung tutuusin, mas mabigat na problema ang bullying kaysa sa kakulangan ng classrooms. Madaling remedyuhan ang classroom shortages na hindi katulad ng bullying na humahantong sa pagsasaksakan.
Isang halimbawa ay ang nangyaring pananaksak ng isang lalaking Grade 8 student sa kanyang kaklaseng babae sa Moonwalk National High School sa Parañaque noong nakaraang Abril. Ayon sa pulisya, pinagsasaksak ng lalaki ang kaklaseng babae dahil maraming beses na siyang binu-bully nito. Pagpasok umano sa school ng lalaki ay nagdala ito ng kitchen knife na itinago sa bag. Nang mag-recess, nilapitan umano ng lalaki ang babae at saka ito pinagsasaksak nang maraming beses. Namatay agad ang babae at hindi na umabot sa ospital.
Ayon sa magulang ng babae, nabanggit umano ng anak na mayroong nagbabanta sa kanyang buhay. Isa raw kaklase nitong lalaki ang nagbabanta. Hindi umano akalain ng magulang na mangyayari sa kanilang anak ang malagim na kamatayan. Hindi naman nabatid kung anong pambu-bully ang ginawa ng babae sa kaklaseng lalaki para siya saksakin nito.
Sa kabila na may Anti-Bullying Act (Republic Act No. 10627), nangyayari pa rin ang bullying sa eskuwelahan. Nagpapatunay na hindi naipatutupad ang batas sa mga school sapagkat patuloy ang bullying. Layunin ng batas na maprotektahan ang mga estudyante sa bullying sa school. Hindi lamang physical ang sakop ng batas kundi pati ang verbal, relational aggression, cyber-bullying at sexual bullying.
Inutil ang mga namamahala sa eskuwelahan kaya may nangyayaring bullying na humahantong sa karumal-dumal na pagpatay. Naging pabaya ang principal at guro mismo. Huwag hayaang maulit ang karahasan. Iprayoridad ng DepEd ang paglaban sa bullying.
- Latest