EDITORYAL – Impeachment trial

NGAYONG araw nakatakda ang pagko-convene ng Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Nagkaroon muna ng debate noong Martes bago tuluyang nanumpa si Senate President Chiz Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.
Una nang tinakda ang pagdinig noong Hunyo 2, subalit ipinagpaliban ni Escudero. Marami raw prayoridad ang Senado at ito ang dapat pagtuunan ng pansin.
Ang pagpapaliban ng pagdinig ay nagbunga nang maraming diskusyon, pagbatikos, pagpuna at pagkabahala. Maraming nabahala dahil matagal nang naisumite sa Senado ang impeachment complaint pero hindi tinutugunan ng senado. Nakasaad sa 1987 Constitution na kapag naisumite na ang impeachment complaint ay dapat itong aksiyunan agad ng Senado.
Inulan ng batikos si Escudero dahil sa anila’y pagdribble sa impeachment complaint. Malinaw na may balak daw i-whitewash ang impeachement trial. Ang hindi raw agad pagtugon sa inihaing impeachment complaint ay paglabag sa Constitution na hindi dapat ginagawa ng Senado.
Subalit matapang na sinagot ni Escudero ang mga puna at batikos. Sinabing hindi raw siya puwedeng diktahan. Wala raw makapag-uutos sa Senado ng mga dapat gawin. Sinisi pa niya ang Kamara dahil sa atrasadong pagsusumite ng impeachment complaint. Pebrero nang isumite ang impeachment complaint.
Dalawang senador naman ang nagsampa ng resolusyon na nagpapawalambisa sa impeachment complaint laban kay Sara. Unang naghain ng resolution si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at kahapon ay si Sen. Robinhood Padilla para ipawalambisa ang impeachment complaint kay Sara. Una nang sinabi ni Bato na malaki ang tsansa ni Sara na mapawalangsala dahil sa numbers ng mga senador na kakampi rito.
Pero ang aksiyon ni Bato ay taliwas sa ginawa niyang pagpa-draft ng resolution na nagpapawalambisa sa impeachment complaint. Kung alam na pala niya na mananalo si Sara, bakit kailangan pang mag-file ng resolution na nagbabasura sa impeachment complaint.
Dahil sa hindi agarang pagkilos ni Escuder, maraming law school sa bansa ang nanawagan na ituloy ang impeachment trial. Una nang nanawagan ang mga law professor sa University of the Philippines na simulan na ang trial kay Sara.
Nakiisa na rin ang Ateneo School of Government, De La Salle University at San Beda University at University of Santo Tomas.
Hayaang gumulong ang impeachment trial ni Sara. Hayaang ilantad ang mga inaakusa sa kanya para marinig ng taumbayan. Hayaan namang marinig ang mga depensa ni Sara. Huwag hadlangan ang pagsaliksik sa katotohanan.
- Latest