^

Punto Mo

Palanca binagong muli ang deadline sa timpalak

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MULI na namang binago ng mga tagapangasiwa ng Carlos Palanca Memorial Award for Literature ang deadline sa pagsusumite ng mga lahok sa prestihiyosong timpalak na ito para sa taong kasalukuyan.

Batay sa pahayag kamakailan ng CPML, ang mga sasali sa Palanca Awards sa taong ito ay merong hanggang hatinggabi ng Hunyo 30, 2025 para magsumite ng kanilang mga lahok sa alin mang kategorya ng timpalak (Filipino, English, regional language, maikling kuwento, sanaysay, tula o dula).

Tulad ng dati, ano mang mga lahok ay kailangang isumite sa pamamagitan ng website ng Palanca (http://www.palancaawards.com.ph/). Bawal na ang printed copies at email. Makikita rin sa website nito ang mga patakaran at ibang rekisitos, forms, at detalye  sa pagsali.

Walang ibinigay na paliwanag sa pagbabago ng deadline bagaman tila maliit na bagay lang ito na hindi naman nakakaapekto sa kabuuan ng timpalak na patuloy pa ring sinasalihan ng maraming manunulat, baguhan man o datihan, bata o matanda, propesyonal man o hindi, at ano man ang katayuan sa buhay.

Sa katunayan, hindi lang ito ang unang pagkakataon na nabago ang naturang deadline na nitong ilang nagdaang taon ay itinatakda ito tuwing Mayo 31. Sa mga naunang dekada ng Palanca Awards mula nang itinatag ito noong 1950, tradisyunal nang itinatakda ang deadline tuwing katapusan ng buwan ng Abril.

Ang seremonya ng mga parangal sa mga nananalo ay malimit noong araw na isinasagawa tuwing Setyembre 1 o unang linggo ng buwang ito pero nabago na rin ito sa paglipas ng mahabang  panahon tulad noong nakaraang taon nang isagawa ito noong Nobyembre 22, 2024.

Hindi naman binanggit ng Palanca sa pahayag nito kung kailan ngayong 2025 ang awarding ceremony maliban sa pagsasabing  isasagawa ito sa hulihang bahagi ng taon. Muli ring binuksan ng Palanca Awards ang Kabataan Division (English at Filipino) para sa mga Kabataang may edad na 18 anyos pababa.

Ang mga lahok ay dapat informal at personal na sanaysay na may temang “Mabilis na binabago ng AI ang pang-araw-araw na buhay, binabago ang paraan ng ating pag-aaral, pagsusuri ng impormasyon, at paglutas ng mga suliranin. Paano ko epektibong magagamit ang AI upang mas mapahusay ang pag-aaral habang pinapanatili ang personal na responsibilidad, malayang pag-iisip, at integridad sa etika?”

Nabanggit dito ang Artificial Intelligence (AI). Sa pagkakaalam ko, meron ding kamalayan ang Palanca sa napapabalita at nauusong mga AI na chatbot tulad ng ChatGPT na merong kakayahang lumikha ng mga kuwento, sanaysay at tula bagaman ang nalilikha nito ay mababaw, walang kabuhay-buhay, at kulang sa damdamin kumpara sa mga pampanitikang akda na likha ng totoong tao.

Kaya, marahil o tiyak, magiging malaking pagkakamali ng sino mang magtatangkang gumamit ng ganitong mga AI sa paggawa ng anumang akdang ilalahok nila sa timpalak na ito dahil malalaman ng judges kung gawa ng totoong tao o likha ng makina ang isang tula o kuwento halimbawa. Matalas din ang timpalak na ito sa pagsusuri kung orihinal o hindi ang isang lahok.

Lumabas nga sa isang lumang isyu ng Business World ang isang pahayag ng kinatawan ng pamilyang Palanca na si Criselda Cecilio- Palanca sa awarding ceremony ng 71st  Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2023 na hindi kailanman mapapalitan ng AI ang mga manunulat. “Nuance, poignance, ambience, petulance, pathos, subtlety, irony, and humor are some of the many variables that are still on our side,” sabi pa niya.

 

Email: [email protected]

AWARDS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with