105-anyos na lolo sa Thailand, wagi ng 4 na ginto sa World Masters Games!
HINANGAAN si Sawang Janpram, isang 105-anyos na athlete sa Thailand matapos magwagi ng apat na gintong medalya sa World Masters Games sa Taiwan.
Sa naturang palaro, siya ang pinakamatandang atleta.
Nakatanggap siya ng gold medal sa discus, javelin, shot put, at 100-meter dash, na kanyang tinapos sa loob ng 38.55 segundo.
Si Sawang ay dating guro at school principal sa Rayong province. Matapos magretiro, siya ay namuhay bilang farmer ng durian at goma bago tuluyang mag-focus sa sports.
Siya ay nagsimulang mag-focus sa sports sa edad na 90, matapos ma-inspire ng kanyang atletang anak at makita ang epekto ng kakulangan pag-eehersisyo sa ilang kaibigan.
Kasamang lumahok ni Sawang sa World Master Games ang kanyang 73-anyos na anak na si Siripan.
Matapos ito, masaya si Sawang na nadagdagan ang kanyang koleksiyon mahigit 60 medalya mula sa iba’t ibang nasalihang palaro.
Ayon kay Sawang, ang pag-eehersisyo ay hindi lamang nagpapalakas ng katawan kundi nagbibigay din ng sigla sa buhay.
Bagamat wala pang desisyon kung sasali siya sa susunod na World Masters Games sa Japan sa 2027, malinaw na siya ay patuloy na inspirasyon sa marami, patunay na walang pinipiling edad ang tagumpay sa larangan ng palakasan.
- Latest