‘Krusipiho’ (Part 14)
SA kabila nang pagsigaw ko sa taxi drayber na ibalik niya ang sasakyan, lalo pa itong binilisan. Mukhang masama ang balak. Hoholdapin ako. Tatangayin ang mga mapapakinabangan sa akin at saka ako iiwan sa madilim na lugar. Nang tumingin ako sa labas, wala akong makitang pulis o kahit na traffic enforcer.
Nang malapit na kami sa rotunda o Anda Circle, dinama ko ang krusipiho na nasa aking leeg. Sabay dalangin nang tahimik na iligtas ako sa masamang tangka ng taxi driver. Paulit-ulit ang paghaplos ko sa krusipiho.
At sa pagtataka ko, biglang kinabig ng taxi drayber pakaliwa ang manibela pabalik sa aming pinanggalingan.
Pero kahit ganun ang ginawa ng drayber, patuloy ko pa ring hinipo ang krusipiho at umuusal ng dalangin na iligtas ako sa masamang tangka.
Hanggang sa magtuluy-tuloy ang takbo ng taxi. Tinuwid ang Roxas Blvd. at inihatid ako sa hotel na pagdarausan ng junior-senior prom.
Nang babayaran ko ang konsumo ay nagsalita ang drayber. Humihingi ng paumanhin.
“Sori po. Sori po!”
Binayaran ko ang fare at bumaba na. Umalis na ang taxi. Ako naman ang natigilan at hindi makapaniwala sa nangyari. (Itutuloy)
- Latest