EDITORYAL - Tax sa vape products nararapat nang itaas

IMINUNGKAHI ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na dapat mas mataas ang ipataw na buwis sa vape products kaysa sa tradisyunal na sigarilyo. Sa ginawang hearing ng Senate Committee on Ways and Means noong nakaraang linggo, sinabi ng BIR na nararapat itaas ang tax sa vape products sapagkat mas matagal itong gamitin o i-consume kaysa sigarilyo. Ang isang pack ng sigarilyo umano ay 300 beses na nahihithit samantalang ang vape ay 600 beses. Mas matagal gamitin ang vape kaya dapat mas mataas ang tax nito.
Ang isang mahalagang sinabi ni BIR assistant commissioner Jethro Sabariaga, kung itataas ang buwis na ipinapataw sa vape products, isang paraan ito para ma-discouraged ang kabataan na gumamit ng vape. Sa kasalukuyan, mga kabataan ang parokyano ng vape products. Sa tala ng Department of Health (DOH), tumaas ng 40 percent ang vape users noong 2023 mula sa 7.5 percent noong 2021.
Ang panukalang pagtataas sa tax sa vape products ay magandang hakbang lalo’t naghahanap ng pondo ang gobyerno para matustusan ang programa sa P20 per kilong bigas sa susunod na taon. Sabi ng Malacañang kapag mayroon nang pondo ang pamahalaan, hindi lamang ang senior citizens, 4Ps beneficiaries, pregnant women at single parents ang mabibiyayaan kundi lahat ng mga Pilipino. Umarangkada ang P20 per kilo ng bigas noong Mayo 1 at marami nang rehiyon ang naaabot. Mabibili ang P20 per kilong bigas sa Kadiwa Stores.
Kung tataasan nang malaking tax ang vape products malaki ang magagawa para maipagpatuloy ang programa ng gobyerno para sa murang bigas at iba pang programa. Malaki ang makokolekta sa vape products sapagkat sa kasalukuyan, marami nang nahuhumaling sa pagvi-vape. Tumaas ang bilang ng vape users kaya ang negosyong ito ay wala sa pagkalugi.
Tama ang BIR na kung tataasan ang tax sa vape, posibleng huminto na sa paggamit ng vape ang nakararami lalo ang kabataan. Kaya dalawang bagay ang mapapakinabangan kapag tinaas ang tax sa vape. Una, magkakaroon ng pondo ang gobyerno at ikalawa, mapipigilan ang mga kabataan sa pagkaadikto sa vape.
Pero mas mahalaga na mailigtas sa panganib ang mga kabataan dahil sa pagkahumaling sa vape. Nakababahala na pabata nang pabata ang nagiging addict sa e-cigarettes. Sinabi ng DOH, mga estudyanteng edad 13-15 ang mga gumagamit nito sa kasalukuyan. Ang vape ay may nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nagdudulot ng lung cancer.
Ituloy ang planong pagtataas ng buwis sa vape products. Ito lamang ang nakikitang paraan sa kasalukuyan para makakalap ng pondo at para na rin mapigilan ang pagkasugapa sa e-cigarette.
- Latest