^

Punto Mo

Eleksiyon bilang pambansang sport

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ISA sa may napakalaking turnout ang nakaraang midterm election, 82.20 porsyento. Ibig sabihin, 57,350,968 ang bumoto, mula sa 69,673,653 rehistradong botante. Marami sa mga senior citizens, alas-singko pa lamang ng umaga ay sumugod na sa mga presinto dahil sa maagang oras na itinakda sa kanilang pagboto, mula alas-singko hanggang alas-siyete ng umaga.

Kapag may eleksiyon ay pista opisyal sa atin, hindi katulad sa maraming bansa na isang karaniwang araw lang ang eleksiyon, kailangan pa ring pumasok pagkaraang makaboto. Dito sa atin, parang piyesta ang eleksiyon, bagamat sa mga lugar na idineklara ng Comelec na hotspots ay parang giyera, sapagkat nagkalat ang mga armadung-armadong pulis.

Marami ring nagkakapera kapag may eleksiyon. Ito’y ang mga taong ginagawang kalakal ang kanilang boto, sapagkat ipinagbibili ang kanilang boto sa mga pulitiko na katulad nila’y wala ng konsepto ng dangal at delicadeza.

Sa darating na Disyembre, may pambansang eleksiyon na naman, ang pagboto ng mga opisyales ng barangay.  Siguradong mas maraming boboto rito at siguradong mas mainit ang labanan.  Dito’y magkakakilala, magkakapitbahay, magkakamag-anak ang maglalaban-laban kung kaya’t mas madugo ang labanan. Tatlong taon pa ang lalakarin, pero ngayon pa lamang ay pinag-uusapan na ang pampanguluhang eleksiyon sa 2028. 

Walang duda, ang eleksiyon ang pambansang sport ng Pilipinas. Walang gawaing higit na kumukuha ng ating atensyon, maliban sa eleksiyon. Walang gawaing higit na nakakaapekto ng ating emosyon, maliban sa eleksyon. Pagkatapos ng eleksyon, maraming magkakaibigan ang nagiging magkakaaway.

Sa tunay na sport, ang mga nanalo ay talagang nanalo, at ang mga natalo ay talagang natalo.  Pero sa pulitika, may mga nanalong natalo at may mga natalong nanalo. ‘Yong mga nanalong namili ng boto, o nandaya, o gumamit ng maruming taktika, o tumalikod sa dating paninindigan, ang totoo ay natalo.  ‘Yong mga natalo na nanindigan sa katotohanan at pinaniniwalaan, hindi gumastos ng malaki, hindi nagkompromiso ng prinsipyo, at hindi tinalikuran ang ipinaglalaban, ang totoo ay nanalo.

May mga nangyaring hindi inaasahan nitong nakaraang eleksyon, tulad ng pagkapanalo sa top 5 nina dating Senador Bam Aquino at Senador Kiko Pangilinan, ng malaking pagkapanalo ng mga party lists na pinangungunahan ng mga bihasa sa batas at tagapagtanggol ng karapatang-pantao na tulad nina Chel Diokno at Leila De Lima, ng pagbagsak ng mga sikat na artista at political dynasties na tinalo ng mga hindi naman masyadong kilalang kalaban.

Resulta raw ito ng boto ng mga botanteng millennials at Gen Z na noong 2022 election ay mga boluntaryo ng mga kandidatong karapat-dapat, ngunit hindi nanalo.

Sana nga’y simula na ito ng ating paggising mula sa mahimbing nating pagkakatulog bilang isang bansa. Magkapit-kapit bisig tayo upang wakasan na ang paghahari ng masamang pulitika na pumapatay sa magagandang pangarap ng ating mga anak. Maging mapanuri tayo sa mga lider na ang totoong pinangangalagaan lamang ay ang pansariling kapakanan. Manatili tayong mulat.

Huwag na nating ituring na isang pambansang sport ang eleksyon. Ituring natin ito na isang sagradong gawain na nagpapatunay ng ating pananampalataya sa Diyos. Sana sa mga susunod na eleksiyon, ang isusulat ng bawat botanteng Pilipino sa kanyang balota ay ang pangalang dikta ng kanyang isip, puso, at kaluluwa.

ELEKSYON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with