Nandidiri na ang tao sa bulok na sistema ng pulitika
MAPAGKUMBABANG inamin ni President Bongbong Marcos na malaki ang naging pagkukulang niya kaya inilampaso ng mga kalaban ang mga kandidato ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa nakaraang eleksiyon. Akala kasi alkansya!
Nagsawa na rin ang mamamayan sa lantarang pagkabulok sa sistema ng pulitika na manipulado ng mga pamilya ng mayayamang nambababoy sa pamumuhay ng mahihirap na pilipino. Ayaw sa reporma, pagnanakaw lang ang kursunada!
Hindi mapasubalian na kaya ibinotong muli sa senado sina Tito Sotto, Ping Lacson, Kiko Pangilinan at Bam Aquino ay dahil nagtrabaho talaga sila ng totoo at wala silang record ng pandarambong sa kaban ng bayan. Lagot ang mga tamad at may record ng pandarambong na mga reelectionists sa 2028 kung ganun. Action Stars no more?
Patunay din na pinagsasawaan na ng taumbayan ang barubalan sa social media na pakawala ng magkabilang kampo ng pulitika at itinuring na lamang na komedya at aliwan ng mga nababagot na mamamayan. Totoo naman ang komentaryo ng ilan, maliban lang sa nagmumula sa troll farms. Araykupu!
Malamang na sa 2028 Presidential election ay hindi na magiging mahirap para sa mga botante ang pagpili ng susunod na Presidente. Ang may bahid ng pandarambong ay maari na ring mag-isip ng pagpapahinga. Kung marunong mahiya at may konsensiya!
Handa rin daw makipagkasundo si Bongbong kay VP Sara sa kabila ng pagbabanta nito sa buhay niya at kanyang pamilya at impeachment proceedings sa Senado alang-alang sa ikabubuti ng buong bansa. Aba’y kakaiba nga si Bongbong talaga!
Sa pamilya ng pulitikong nagmamaniobra ng party-list para manaid sa pondo ng bayan, lalong dumami ang palamuning sectoral representative “raw” sa kongreso. Tantanan na ninyo kaming nakalupasay na sa paghihirap. Baka magbara na ang daloy ng dugo sa inyong mga ugat dahil sa panghaharbat. Abolish party-lists, please!
- Latest