Lalaki sa Iran na kayang magbalanse ng mga kutsara sa katawan, nakatanggap ng Guinness World Record!
ISANG 54-anyos na lalaki sa Iran ang muling sumungkit ng pandaigdigang pagkilala matapos magawa ang tila imposibleng hamon, ang ikabit at ibalanse ang 96 na kutsara sa kanyang katawan.
Si Abolfazl Saber Mokhtari ay kilala na sa kakaibang talento ng “object sticking,” at sa ikatlong pagkakataon ay muli niyang nahigitan ang sarili niyang Guinness World Record para sa “most spoons balanced on the body.”
Nagsimula siya sa 85 kutsara noong 2021, sinundan ito ng 88 noong 2023, at ngayong taon, mas pinatunayan niya ang kanyang galing sa bagong record na 96.
Kuwento ni Mokhtari, nagsimula siya sa simpleng eksperimento noong bata pa lang siya. Mahilig na raw siyang magdikit ng iba’t ibang bagay sa kanyang balat.
Ayon pa sa kanya, ang talentong ito ay hindi lang basta likas, ito raw ay kanyang pinaghusayan sa loob nang maraming taon.
“Lahat ng bagay na may surface, kaya kong idikit sa katawan ko, mapa-plastic, salamin, prutas, kahoy, bato, at kahit buong tao,” pahayag niya sa panayam ng Guinness World Records.
Pinatutunayan ni Mokhtari na ang determinasyon at dedikasyon ay sapat para iangat ang isang di-karaniwang kakayahan sa lebel ng pandaigdigang record.
- Latest