EDITORYAL — Kalidad ng P20/K bigas, siguruhin

NOON kapag sinabing “NFA rice” ang unang masasaisip ay “mahinang klase” ng bigas o ‘yung hindi maganda ang pagkakagiling (well milled) at maraming kasamang bato o palay. Hindi rin busilak ang kaputian at kapag isinaing ay masyadong malambot at meron din namang ubod na tigas na puwedeng ipambato. Iyan ang nakatatak sa isipan nang nakararaming Pinoy na nakaranas pumila noong 2008 para makabili ng murang bigas mula sa National Food Authority (NFA). Nagkaroon ng shortage sa bigas kaya inilabas ang bigas sa bodega ng NFA para ibenta sa publiko na inulan ng mga reklamo dahil sa mahinang kalidad.
Ngayong umarangkada na sa maraming bahagi ng bansa ang mabibiling P20 per kilong bigas, sana mapanatili ang kalidad nito na angkop na angkop para kainin ng mga Pilipino.
Mahigpit ang utos ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa National Food Authority (NFA) na tiyaking maganda ang kalidad ng bigas na P20 per kilo. Sabi ni Tiu, ito na raw ang pagkakataon para sa mga opisyal ng NFA na patunayan na ang bigas mula sa NFA ay may kalidad. Sa pamamagitan daw ng pagkakaloob nang mahusay na bigas, mawawala ang kaisipan ng mga tao sa NFA rice na hindi ito kaibig-ibig kainin.
Abril nang ihayag ni Tiu Laurel na magsisimula nang magbenta ng P20 kada kilo ng bigas sa Kadiwa Centers. Mariing sinabi ng Kalihim na ang bigas na ibebenta ay may kalidad at kaibig-ibig kainin.
Isang araw makaraang ihayag ni Tiu Laurel ang P20 kada kilong bigas, ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na ang P20 per kilo ng bigas ay ‘yung puwedeng kainin ng tao at hindi ‘yung pinapakain sa baboy. Ayon pa sa Vice President hindi raw hayop ang mga Pilipino.
Umalma ang Malacañang sa sinabi ni Sara sapagkat nagkomento na agad ito sa P20 kada kilong bigas gayung hindi pa naman ito sinisimulang ibenta sa Kadiwa Centers. Sagot ng Malacañang kay Sara, huwag pairalin ang crab mentality at huwag ding maging “anay” sa lipunan.
Mula nang ibenta ang bigas na P20 per kilo noong Mayo 1 sa Cebu City, wala pa namang nagrereklamo sa mga nakabili na ito ay para sa baboy. Ibig sabihin, may quality ang murang bigas na binibenta sa Kadiwa Centers. Mapanatili sana ang ganitong kalidad para ganap na masiyahan ang mamamayan. Ang masarap na kanin kahit budburan lang ng asin ay uubra na.
Maipatupad din sana ang pangako ng Malacañang na hindi lamang senior citizens, 4Ps members, person with disabilities, pregnant women at single mothers ang makikinabang sa P20 per kilong bigas kundi lahat ng mamamayan. Maraming masisiyahan kapag ito ay naisakatuparan.
- Latest