EDITORYAL - P20 per kilong bigas dapat sana sa lahat

MABIBILI na rin sa Mindanao ang P20 per kilong bigas. Makakabili na ang mga taga-Zamboanga del Norte, Basilan, Cotabato, Tawi-Tawi, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Davao Oriental. Ayon sa Department of Agriculture, sa Setyembre, ibang lugar naman sa Mindanao ang mabibiyayaan ng murang bigas.
Noong nakaraang linggo, isang araw makaraan ang May 12 elections, umarangkada sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Mindoro, at Rizal ang P20 per kilong bigas na mabibili sa Kadiwa Stores. Unang nagbenta ng murang bigas noong Mayo 1, 2025 sa Cebu City. Natigil ang pagbebenta ng murang bigas dahil sa election, ayon na rin sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec).
Pero hindi lahat ay makabibili ng murang bigas. Niliwanag ng Department of Agriculture (DA) na ang maaari lamang makabili ng P20 per kilo ng bigas ay ang senior citizens, 4Ps members, PWDs at solo parents. Ganunman, sinabi ng Malacañang na mag-a-allocate ng pondo ang pamahalaan para sa susunod na taon, ang lahat ay maari nang makabili ng murang bigas.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang plano sa susunod na taon ay magkaroon ng budget para maibigay ang P20 per kilo na bigas sa lahat. Pero sinabi ni Castro na depende ito sa sa budget. Ayon naman sa DA, ang murang bigas na mabibili sa Kadiwa Stores ay hanggang Disyembre 2025 lamang.
Ang P20 per kilo ng bigas ay ipinangako ni Marcos Jr. noong nangangampanya pa lamang noong 2022. Ngayon ay natupad na niya pero hindi lahat ay nakinabang. Mas maganda kung magiging P20 na talaga ang presyo para lahat ay masaya. Kung pili lamang ang makikinabang sa P20 per kilo ng bigas, balewala rin ito. Marami pa rin ang salat sa buhay na ang pambili ng bigas ay pinuproblema. Maraming kapos ang suweldo at hirap makabili ng bigas.
Matutuwa ang mamamayan kung ang lahat ay makakabili ng murang bigas. Kaya itong gawin ng pamahalaan. Maaaring mag-ani ng sagana sa bansa dahil malawak ang taniman ng palay. Maisakatuparan sana ito.
- Latest