EDITORYAL — SOCE ay isumite para hindi magsisi

SA Hunyo 11, 2025 ang deadline para sa pagsusumite ng statement of contributions and expenditures (SOCE) ng mga kandidato. Ang sinumang kandidato na hindi makapagsa-submit ng SOCE sa itinakdang petsa ay pagmumultahin at mahaharap sa disqualification o hindi makakaupo sa puwesto.
Sinabi ng Comelec na lahat ng mga kandidato, partylists, at political parties ay dapat magpasa ng SOCE kahit hindi nanalo; kahit wala silang ginastos at wala rin silang tinanggap na anumang kontribusyon; kahit umatras sa kandidatura at self-funded ang kampanya; ay kailangang mag-file ng SOCE.
Ayon pa sa Comelec, dapat ay notaryado ang SOCE at personal na pirmado ng kandidato o ng treasurer ng partido o partylist. Kailangan ding magsumite ng hard copies at soft copies sa PDF at Excel format, kasama ang external storage device. Tatanggapin ang SOCE mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Matagumpay ang idinaos na eleksiyon. Walang naganap na kaguluhan. At kung magiging matagumpay ang Comelec sa panawagan sa mga kandidato ukol sa tamang pagsusumite ng kanilang SOCE, masasabi ngang matagumpay ang nakaraang election. Kung sakali ngayon pa lang magkakaroon ng election na ang mga kandidato ay tumalima sa pagsusumite ng SOCE. Sa mga nakaraang election, hindi pinansin ng mga kandidato ang panawagan ng Comelec na magsumite ng kanilang SOCE. Walang nagawa ang Comelec. Ang matindi, ang mga kandidatong hindi nagsumite ng SOCE ay nakatakbo pa sa election. Isang harap-harapang pambabastos sa Comelec.
Pinakamaraming kandidato noong 2013 elections ang hindi nagsumite ng SOCE. Ayon sa report, nasa 5,000 ang mga kandidatong dinedna ang pagpa-file ng SOCE. Ganunman, maraming nakatakbo sa sumunod na elections kahit hindi nag-file ng SOCE.
Noong 2016 elections, naitala ang 3,937 na mga kandidatong hindi nakapagsumite ng SOCE. Marami rin sa kanila ang nakatakbo uli sa election. Walang nagawa ang Comelec.
Noong 2022 elections, 21 kandidato ang hindi nakapagsumite ng SOCE at kabilang umano rito ang isang senador na nanalo. Gaya ng dati, may mga nakatakbo muli kahit hindi nakatupad sa alituntunin. Balewala sa kanila ang Comelec.
Pagkatapos na pagkatapos ng May 12, 2025 elections, agad nagpaalala ang Comelec sa mga kandidato na magsumite ng SOCE. Sana sa pagkakataong ito, sumunod ang mga kandidato at huwag bastusin ang Comelec. Ipataw naman ng Comelec ang parusa sa mga patuloy na dededma.
- Latest