Marathon runner, tumakbo nang nakayapak, nagtala ng bagong Guinness World Record!
ISANG matinding hamon ang muling kinaharap ni Pawel Durakiewicz, isang marathon runner sa Poland na kilala sa pagtakbo nang nakayapak.
Sa kanyang pinakabagong tagumpay, nagawa niyang tumakbo sa isang buong marathon nang walang suot na sapatos sa nagyeyelong lawa ng Golsfjellet, Norway. Dahil dito, nakuha niya ang Guinness World Records title para sa “fastest marathon barefoot on ice/snow”.
Tinapos ni Pawel ang 42.2 kilometer race sa loob lamang ng 4 hours 57 minutes at 54 seconds sa kabila na matinding niyebe ang tinakbuhan. Ayon sa kanya, bawat hakbang ay tila paglakad sa bubog.
Nagsimulang dumugo ang kanyang mga paa sa ika-10 kilometers at halos sumuko na siya sa ika-12. Ngunit pagsapit ng 15 km mark, naging tahimik ang kanyang isip. “I turned the pain off, and already knew I was going to do it,” ani Pawel.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tumakbo siya nang nakayapak sa nagyeyelong kalsada. Noong 2024, tinahak niya ang 3,409.75 km sa Iberian Peninsula para sa “longest barefoot journey”.
Sinundan ito ng fastest Olympic triathlon barefoot (male) na kanyang nakuha sa Gdynia, Poland, at ng “fastest half marathon on ice/snow” sa Gulf of Bothnia sa Sweden, na tinapos niya sa loob ng 1 hour 50 minutes and 29 seconds.
Lahat ng kanyang takbo ay iniaalay ni Pawel sa Diamond Soul Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga taong may pinagdaraanang addiction.
- Latest