Nartatez o Torre, sa pagka-PNP chief!
Maraming nagulantang nang maglabasan sa social media ang resume ng apat na magigiting na opisyales ng PNP na nagbukas ng guessing game kung sino ang papalit kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil. Kung sabagay, wala namang bago sa mga kandidato, dahil sila pa rin ang inginunguso kahit hindi pa na-extend ni Pres. Bongbong Marcos si Marbil noong Pebrero. Ang lumabas na resume sa social media ay kina Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez; Lt. Gen. Edgar Allan Okubo; Maj. Gen. Nicolas Torre III, at Maj. Gen. Anthony Aberin. Sana hindi likes sa mga post ang magiging basehan sa pagpili ng kapalit ni Marbil. Lahat naman sila ay karapat-dapat, kaya lang hindi sila puwedeng pagsabayin. May isa talaga sa kanila, na mapipili ni BBM, bago mag-expire ang extension ni Marbil sa Hunyo 7. Teka, paano ang ugong na another extension kay Marbil?
Lingid sa kaalaman nang marami, ang PNP ay hindi lang institusyong pang-seguridad kundi isa itong political barometer-salamin at tagahubog ng pambansang pamahalaan. Ang apat na opisyal na nasa social media ay pawang may kahanga-hangang kredensiyal. Ngunit sa kasalukuyang magulong klima ng politika, kung saan hindi nakaporma ang Alyansa, hindi sapat ang karanasan at ranggo lamang. Ang pinakamahalagang batayan ngayon ay ang lubos na katapatan sa administrasyon ni BBM. Sa gitna ng pagdami ng oposisyon sa Senado at posibilidad ng mas matinding pagsusuri sa kilos ng gobyerno, malinaw ang mensahe: hindi maaring mapunta sa isang kompromisadong lider ang pamumuno ng PNP. Ang tiwala, at hindi pulitika ang dapat na magiging gabay ni BBM.
Kung titingnan ang kasalukuyang posisyon at karanasan, lamang ng ilang paligo si Nartatez, na miyembro ng PMA Class ’92. Kaya lang may agam-agam sa kanyang personalidad dahil idenfitied siya kay comebacking Sen. Imee Marcos, na mukhang kumampi na kay VP Sara. Ilang online accounts na kaalyado ng mga Marcos ang nag-aakusa kay Nartatez na siya ang pinagmumulan ng intel reports ni Imee sa loob ng PNP. Kung hindi ito mabibigyang-linaw, maaaring maitanong kung kanino nga ba talaga ang kanyang katapatan? Bagama’t bahagi ng Unang Pamilya, si Imee ay kilala sa kanyang pagiging politically independent—at minsan pa nga ay tumututol sa ilang polisiya ni BBM. Kung ang itinuturing niyang “insider” ang mamumuno sa PNP, maaaring magdulot ito ng kalituhan sa utos at maging balakid sa operasyon ng organisasyon.
Si Torre naman ay umani ng papuri at kritisismo dahil sa kanyang sa pag-aresto sa mga kilalang personalidad, tulad nina Pastor Apollo Quiboloy at Tatay Digong. Sa dalawang okasyon, ipinakita ni Torre ang kanyang dedikasyon sa pagpapatupad ng batas, kahit pa may kaakibat na matinding implikasyong pulitikal. Ito ay patunay ng kanyang katapatan kay BBM. Siya ay tested and proven na. Sina Okubo at Aberin naman tahimik lang na nagtatrabaho. Hindi sila nasasangkot sa paksiyong pulitika. Kung pipili ang Presidente ng taong may hati o may ibang pinapanigan, maaaring gumuho ang pundasyon ng panloob na seguridad. Ngunit kung tapat at maaasahan ang mailuluklok, ito’y magiging haligi ng katatagan. Abangan!
- Latest