Card stacker enthusiast sa india, nagtala ng 4 na Guinness Records sa loob ng 24 hours
ISANG binata sa India ang sumubok ng kakaibang hamon sa sarili, ang magtayo ng card towers sa loob ng 24 na oras para ma-break ang apat na Guinness World Records.
Sa tulong ng daan-daang baraha at matinding determinasyon, nakamit ni Arnav Daga ang mga titulo para sa “Tallest house of cards built in one hour, eight hours, 12 hours, and 24 hours”.
Nagsimula siya sa one-hour build kung saan nagtayo siya ng 30-level tower, bago muling magsimula para sa mas mahahabang oras.
Inamin ni Arnav na napagod agad siya pagkatapos ng unang round, pero hindi siya sumuko. Pinili niyang magpatuloy, nagpatugtog siya ng mga paboritong music at ibinuhos ang buong focus sa proyekto.
Sa pagtatapos ng 24 hours, nakapagpatayo siya ng 61-level card tower, sapat upang maagaw ang tatlong titulo mula sa dating record holder na si Tian Rui ng China.
Matagal nang hilig ni Arnav ang card stacking, ngunit noong COVID-19 lockdown niya ito sineryoso at pinangarap na maging world record holder.
Sa kanyang tagumpay, sinabi niyang balak pa niyang makuha ang lahat ng Guinness titles sa larangan ng card stacking, isang ambisyong patuloy niyang pinagsisikapang makamtan.
- Latest