EDITORYAL - Ibawal na ang election surveys

HINDI tumugma ang mga inilabas na election survey sa mga kandidatong senador. Malaki ang pagkakaiba. Sa nangyari, nararapat nang ibawal ang paglalabas ng surveys sapagkat hindi naman ito kumakatawan sa totoong boses ng mamamayan. Iniimpluwensiyahan lamang ang pag-iisip ng mga botante.
Bago idinaos ang election noong Lunes, halos magkakapareho ang mga inilabas na surveys sa ranking ng mga kandidatong senador base sa isinagawang survey. Pero nang matapos ang election, iba ang lumabas. Ang mga nasa ibaba ay umakyat at ang nasa dakong unahan ay bumaba.
Ang tanging nanatili sa unang puwesto ay si Sen. Bong Go, subalit ang ikalawa hanggang ika-12 puwesto ay natinag dahilan para marami ang magtaka. Anong nangyari sa surveys? Kinokondisyon ba ang isipan ng mga mamamayan para ang inilalabas na survey ang gayahin ng mga botante. Kapag naglabas ng ganung survey yun na nga ang talagang kalalabasan ng election.
Pero nang matapos ang election at magsimula ang bilangan, ang trend na ibinanbando ng surveys ay nabago. Halimbawa ay si Bam Aquino na nasa ika-12 puwesto ayon sa survey, ay umakyat sa ikalawang puwesto. Si Kiko Pangilinan na nasa ika-16 na puwesto ay napunta sa ikaapat na puwesto at si Rodante Marcoleta na nasa ika-18 puwesto ay napunta sa ikaanim na puwesto. Masyadong malayo sa mga inilabas na surveys.
Nakagugulat ang mga nangyari na nagpapakita na ang mga ginagawang surveys ng iba’t ibang firm ay hindi dapat paniwalaan at sumisira sa kaisipan nga mga boboto. Pampalito ng botante.
Ngayong napatunayan na may nangyaring “kapalpakan” sa mga isinagawang surveys, dapat ipatigil na ito. Ano pa ang silbi ng survey na hindi naman tumutugma at lumalabas na iniimpluwensiyahan lamang ang opinyon ng mamamayan. Wala nang dahilan para ipagpatuloy ang mga survey.
Mayroon din namang nagtataka na kahit kailan daw ay hindi pa sila nasu-survey. Totoo raw ba talaga na may mga respondents ang ginawang survey o sila-sila na lang ang gumagawa nito.
Nagpanukala naman noon ang isang dating Comelec chairman na itigil na ang pagpapalabas ng mga survey sapagkat hindi ito kumakatawan sa totoong boses ng mga botante. Tama lamang na huwag nang payagan ang mga kompanya na magpapalabas ng survey. Tama na ang panlilito.
- Latest