Studes ng Purdue University, lumikha ng robot na kayang magsolb ng Rubik’s Cube
ISANG grupo ng mga estudyante mula sa Purdue University sa Indiana, US ang nakapagtala ng bagong Guinness World Record matapos nilang makabuo ng robot na kayang makapag-solve ng Rubik’s Cube sa loob lamang ng .103 seconds.
Binubuo ng mga estudyanteng sina Matthew Patrohay, Junpei Ota, Aden Hurd, at Alex Berta mula sa Elmore Family School of Electrical and Computer Engineering. Ang grupo ay nagsimula sa kanilang pagkakakilala sa isang co-op program ng unibersidad.
Mula rito, nabuo ang kanilang proyekto na pinangalanan nilang “Purdubik’s Cube”, isang robot na may layuning lampasan ang mga limitasyon ng bilis sa larangan ng robotics.
“We solve in 103 milliseconds,” ani Patrohay sa isang artikulo sa opisyal na website ng Purdue. “A human blink takes about 200 to 300 milliseconds. So, before you even realize it’s moving, we’ve solved it.”
Ang bagong record na ito ay pumalit sa dating hawak ng Mitsubishi Electric Corporation’s Component Production Engineering Center, na noong 2024 ay nakapagtala ng record time na .305 seconds para sa parehong gawaing ito.
Ang proyekto ay hindi lamang nagpapakita ng kahusayan sa engineering at programming, kundi pati na rin ng potensiyal ng mga kabataang engineers sa larangan ng artificial intelligence at automation.
- Latest