^

Punto Mo

EDITORYAL — Ilang kapalpakan sa naganap na election

Pang-masa
EDITORYAL — Ilang kapalpakan sa naganap na election

MAY ilang nangyaring kapalpakan sa katatapos na midterm elections na nagpakita na hindi pa rin lubos na handa ang Commission on Elections (Comelec). Taliwas sa sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na handang-handa na sila sa pagdaraos ng election. May mga hindi inaasahang naranasan ang mga botante na nanalig sa sinabi ng Comelec chief na magiging maayos at walang ­problema ang halalan.

Unang-una nang napansin ay ang kawalan ng sistema sa pagboto ng mga senior citizens, pregnant women at Persons With Disabilities (PWDs) na pinayagang makaboto ng 5:00 a.m. hanggang 7:00 a.m. ­Maraming botante sa nasabing kategoriya ang nagtungo sa kanilang voting precinct ng eksaktong 5:00 a.m. pero inabot sila ng ilang oras sa pila. Nakita na walang sistema para sa senior citizens, buntis at PWDs.

Mayroong senior citizens na napilitang umakyat sa second floor sapagkat naroon daw ang presinto nito. Mayroong matanda na hindi makaakyat kaya ­kinailangang buhatin. Ang ibang seniors, inabutan na ng regular voting hours na 7:00 a.m. kaya nahalo na sila sa mga kabataang botante.

Matindi naman ang nangyari sa Camp Siongco National High School sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte sapagkat 10 oras na naatrasado ang botohan. Tinangka ng ilang grupo na hadlangan ang pagsisimula ng election sa nasabing lugar dahil tutol sila sa mga nakaupo sa electoral board. Nagkaroon pa nang pagkakagulo nang magpang-abot ang mga kampi sa kabilang grupo.

Naging malaking isyu rin ang pagpalya ng ­Automated Counting Machines (ACMs) sa ilang bahagi ng bansa. Ayaw higupin ng ACM ang balota kahit ilang beses na ipinasok. Humaba ang pila dahil sa pumalyang ACM. Ayon sa Comelec, nasa 200 ACMs ang pumalya. Pero pinalitan daw agad ang mga nasirang ACMs.

Marami rin ang nagreklamo na hindi makita ang kanilang pangalan sa kabila na bumoto sila sa nakaraang election. Nagtataka sila kung bakit nawala ang kanilang pangalan at wala namang maipaliwanag ang mga namamahala sa voting precinct.

Kapansin-pansin din ang kakulangan ng mga silya kaya ang ibang bumuboto ay nakatayo na habang nagsi-shade sa kanilang balota.

Wala ring umaasiste sa mga botante kung ano ang gagawin sa balota. May mga botanteng nagtatanong kung lalagyan ba ng check ang bilog. Walang nagpapaliwanag na dapat ay isi-shade lamang ang circle.

May mga kapalpakang nangyari sa katatapos na election at sana hindi ito maulit sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na gaganapin sa Disyembre 2025. Mayroon nang leksiyon sa katatapos na election at hindi na sana maulit ang kapalpakan.

ELECTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with